Ipinagmalaki ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang matagumpay na pagdaraos ng eleksiyon nitong Mayo 9.

Sa kanyang opening statement bago ang proklamasyon sa 12 nanalong senador, sinabi ni Bautista na bagamat maituturing na pinaka-divisive at ‘vicious’ ang katatapos na eleksiyon, ito rin, aniya, ang pinakaorganisado at pinakaepisyente sa kasaysayan ng bansa.

“The 2016 elections was probably the most divisive and vicious, and also most organized and efficient we have had,” ani Bautista. “We responded to critics with transparency, consultation, and genuine engagement.”

Masaya ring iniulat ni Bautista na nakapag-transmit sila ng 96.14 na porsiyento ng election returns sa transparency server, na mas mataas sa transmission noong 2010 (90%) at 2013 (76%) polls.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Ipinagmalaki rin niya ang matagumpay na pagdaraos ng mga presidential at vice presidential debate, na una sa loob ng 24 na taon at malaki, aniya, ang naitulong upang mapili ng mga Pilipino ang tamang iluluklok sa puwesto.

Gayundin, sinabi ni Bautista na naitala ngayong taon ang pinakamabilis na vote transmission rate, na 60% ng mga boto ay agad na nai-transmit hanggang 8:00 ng gabi ng Mayo 9.

Mas mataas rin, aniya, ang voter turnout na umabot sa mahigit 84%, bukod pa sa mas marami ring overseas absentee voters ang bumoto ngayong taon, na nasa mahigit 400,000. (Mary Ann Santiago)