Nakatuntong sa main draw ng boys singles si Alberto Lim, Jr., habang nakapasok ang tambalan nina Fil-AmTreat Conrad Huey at Max Mirnyi ng Belarus sa men’s doubles sa 2016 French Open na papalo simula sa Mayo 22, sa pamosong Roland Garros.

Sinabi ni dating Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) chairman at ngayon ay Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Salvador Andrada na nakasampa sa tampok na labanan ang 17-anyos na si Lim dahil sa kanyang nakubrang puntos sa paglahok sa international tournament kung saan nakopo niya ang 20th rank sa world.

“Hindi na niya kailangan dumaan pa sa qualifying,” sambit ni Andrada patungkol kay Lim na lumahok sa kabuuang 27 tonreo upang makatipon ng kabuuang 597.50 puntos sa world ranking.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

”Maganda ang chances niya ngayon kasi nagsi-angat na sa age bracket ang mga dating nasa top ranking,” aniya.

Si Tommy Paul ang defending champion sa boys singles ng French Open, habang numero uno sa world ranking ang mula Hungary na si Mate Valkusz.

Nasa ikasampung puwesto naman ang tambalan nina Huey at Max Mirnyi sa men’s doubles kung saan sina Ivan Dodig ng Croatia at Marcelo Melo ng Brazil ang defending champion.

Ang ika-115th edisyon ng French Open ang ikalawang Grand Slam tournament ngayong taon. (Angie Oredo)