IPINOPROTESTA ng mga pangunahing bansa sa Kanluran ang hakbanging ipagbawal sa mga grupo ng bakla at transgender ang pagdalo sa isang high-level na komperensiya ng United Nations tungkol sa AIDS.
Isang liham mula sa Egypt, sa ngalan ng 51 bansa sa Organization of Islamic Cooperation, ang humiling na huwag pahintulutan ang 11 organisasyon na dumalo sa komperensiya sa susunod na buwan. Walang nakasaad na dahilan sa liham, na may petsang Abril 26 at nakuha ng The Associated Press nitong Miyerkules, sa pagtutol sa pagdalo sa komperensiya.
Ang mga non-governmental organization na hiniling ng 57-miyembrong OIC na pagbawalang dumalo ay nagmula sa Egypt, Estonia, Guyana, Jamaica, Kenya, Peru, Thailand, Ukraine, Africa, at United States. Ang mga naturang organisasyon ay nagsusulong sa mga karapatan ng mga gay, lesbian o transgender.
Sa isang liham kay General Assembly President Mogens Lykketoft, sinabi ni U.S. Ambassador Samantha Power na mistulang ang mga grupong tinukoy ay pinili dahil sa kanilang pagtataguyod sa mga usapin tungkol sa mga gay at transgender, at hiniling na ang lahat ng grupong nais ipagbawal sa komperensiya ay pahintulutang dumalo.
“Given that transgender people are 49 times more likely to be living with HIV than the general population, their exclusion from the high level meeting will only impede global progress in combatting the HIV/AIDS pandemic and achieving the goal of an AIDS-free generation,” saad sa liham na may petsang Mayo 13.
Ayon sa liham ng OIC kay Lykketoft, ang grupo mula sa Amerika na pinagbawalan sa komperensiya ay ang Global Action for Trans Equality.
Sa liham ng European Union, na pirmado ni Ambassador Joao Vale de Almeida, nagpahayag ng pangamba na inalis na ang mga grupo mula sa paunang listahan ng mga partisipante sa komperensiya at humingi ng impormasyon kung aling bansa ang tumutol at bakit.
“If you’re serious about getting to zero (AIDS cases), then it’s vital to include all communities,” sabi ni Peter Wilson, deputy U.N. ambassador ng Britain. “It’s wrong to block access to the U.N. for transgender organizations and gay organizations that have every right to participate in this important discussion.”
Sinabi ni Canadian Ambassador at Deputy Permanent Representative Michael Grant na lumiham din ang kanyang bansa upang magpahayag ng pangamba na maaaring alisin ng mga kasapi ang mga civil society group mula sa isang komperensiya nang hindi nagbibigay ng anumang balidong dahilan.
“It’s quite concerning, especially on an issue like HIV/AIDS,” sabi ni Grant.
Nagpadala rin ng liham ng protesta ang United Nations ambassador ng Australia.
Nang makipagnegosasyon si Lykketoft noong nakaraang taon para sa AIDS conference, na gagawin sa United Nations headquarters sa Hunyo 8-9, iginiit ng ilang miyembro na mabigyan sila ng pagkakataong tutulan ang pakikibahagi ng mga NGO nang hindi na kailangang magpaliwanag sa publiko. (Associated Press)