WALA nang tatlong buwan bago ang Summer Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil sa Agosto 5-21, nagpalabas ng advisory ang World Health Organization (WHO) para sa mga kalahok sa Games, gayundin sa kasunod na Paralympics. Higit pa sa pagkakaloob ng partikular na mga direktiba sa mga atleta sa kung ano ang dapat gawin upang protektahan ang kani-kanilang sarili, dapat na makatulong ang advisory upang mabigyan ng katiyakan ang mga planong dumalo sa Games.
Simula nang malantad ang banta ng Zika sa mundo sa unang bahagi ng taong ito, nagpahayag ng pagkabahala ang mga health official sa iba’t ibang panig ng mundo tungkol sa pagkalat ng sakit, noong una ay sa Latin America, hanggang sa umabot na sa United States at sa iba pang panig ng North America. Ang Zika virus, na ikinalat ng lamok na Aedes aegypti, ay nakaapekto sa mahigit isang milyong tao sa Brazil pa lamang. Labis na pinangambahan, hindi ang kaakibat nitong lagnat, mga pantal sa balat, pananakit ng kasu-kasuan, at pagkapagod na dulot ng Zika, kundi ang depekto sa utak na idinudulot nito sa mga sanggol na nasa sinapupunan ng mga buntis na dinapuan ng sakit.
Ilang health official ang nanawagan na ang Rio games ay ilipat o ipagpaliban, o pareho. Nasa 500,000 turista ang inaasahang dadalo sa Olympics at delikado silang mahawahan ng sakit sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Gayunman, nagdesisyon ang International Olympic Committee (IOC) na ituloy ang Games dahil wala itong nakikitang dahilan upang ipagpaliban o kanselahin o ilipat ang pagdarausan ng Olympics.
Kaya idaraos ang Games tulad ng naitakda. Ngunit nagpalabas ang WHO ng listahan ng mga paalala para sa mga atleta at sa mga panauhin. Pinapayuhan silang protektahan ang sarili mula sa kagat ng lamok sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na kung maaari ay natatakpan ang buong katawan, paggamit ng insect repellents, pananatili sa mga air-conditioned quarter na nakasara ang mga bintana, at pag-iwas sa pagbisita sa mga lugar ng maralita na rito karaniwang nangingitlog o nagpaparami ang mga lamok. Partikular na pinayuhan ang mga buntis na huwag nang magtungo sa mga lugar na may mga kaso ng Zika, kabilang ang mismong Rio.
Magpapadala ang Pilipinas ng sarili nating delegasyon sa Olympics. Isang boksingero, isang hurdler, at isang manlalaro ng table tennis ang nagkuwalipika na at maaaring makasama ang isang taekwondo competitor at ilan pang boksingero. Isang koponan ng basketball mula sa Pilipinas ang naghahangad din na magkuwalipika. At maraming opisyal at tagahanga ng sports ang manonood sa ilang Olympic events sa Rio at sa iba pang mga lungsod sa Brazil.
Kaisa tayo sa paghahangad ng mabuti para sa kanila at sa iba pang mga pandaigdigang atleta na magtutungo sa unang Summer Olympics na idaraos sa South America. Isa ang Pilipinas sa 206 na bansa na inaasahang makikibahagi sa 306 na event sa 28 sports. Isang medalyang pilak ang pinakamataas na naiuwi ng bansa sa Olympics. Maaaring ito na ang panahon natin na makapagwagi ng gintong medalya—lalo na kung tatanggapin ni Manny Pacquiao ang imbitasyon upang lumahok sa boxing competition, na sa unang pagkakataon ay bukas maging sa mga propesyunal, gaya rin sa ibang sports, tulad ng basketball.
Sa lahat ng ito, dapat na tandaan ng ating mga atleta, mga sports official, at mga tagahanga na nananatili ang panganib ng Zika sa Brazil kaya dapat na pakinggan ang advisory ng World Health Organization—para sa sarili nilang kapakanan at sa bansa, na malugod na sasalubong sa kanila pagkatapos ng Games.