Apat na tambay ang nasugatan matapos madamay sa away ng isang magkapatid sa Leveriza Street sa Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isinugod sa ospital sina Melinda Bandong, 52; Mary Jane Bautista, 33; Annalie Lacson, 24; at Yuri Bandong, walong taong gulang, pawang residente ng No. 2274 Leveriza Street sa Barangay 10, dahil sa tama ng bala sa kamay at paa.
Bago ang pamamaril, sinabi ni Supt. Aldrin S. Gran, ng Malate Police, na nag-uusap ang mga biktima sa tapat ng kanilang bahay nang biglang maghabulan sa lugar ang magkapatid na Antonio at Leonardo Quintana na ang una ay may bitbit na sumpak.
Pinutukan ni Antonio nang sunud-sunod si Leonardo pero sa halip na tamaan ang kapatid ay ang apat na biktima ang tinamaan ng bala.
Agad na tumakas si Antonio matapos ang pamamaril, bitbit ang sumpak.
Naniniwala ang pulisya na matagal nang may alitan ang magkapatid na nauwi sa barilan. (Anna Lou C. de Vera)