CAGAYAN DE ORO CITY – Sa ikalawang pagkakataon, nakaligtas sa pananambang ang isang hukom nitong Huwebes ng umaga, mahigit isang buwan matapos ang unang pagtatangka sa kanyang buhay.
Noong Abril 17, 2016, nakaligtas sa kamatayan si Judge Edmmanuel Pasal nang tambangan siya ng armadong kalalakihan sa isang highway sa lungsod na ito.
Si Pasal ay kapwa presiding judge ng Regional Trial Court branches 10 at 38 sa Malaybalay City, Bukidnon at Cagayan De Oro, ayon sa pagkakabanggit.
Sinabi ni Chief Insp. Ariel Pontillas, hepe ng Agora Police Station, na batay sa kanilang inisyal na imbetigasyon, isa sa mga staff member ni Pasal ang sinabihan na bibigyan ng P1 milyon ang hukom kapalit ng pagkakaloob ng piyansa sa isang drug suspect na ang kaso ay hawak ni Pasal.
Ayon kay Pontillas, nang malaman ni Pasal ang tungkol sa panunuhol ay inatasan nito ang kanyang staff na huwag pansinin ang mga ganitong alok.
“Based on my knowledge of him, he (Pasal) is a principled and a strict judge. He also lives a simple life, too. He is just renting a house,” aniya.
Nangyari ang unang pagtatangka sa buhay ni Pasal nang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong lalaki ang kanyang kotse, na ikinabasag ng windshield nito, sa Barangay Gusa, dito sa lungsod, habang pauwi siya sa kanyang bahay.
Sa ambush kahapon, inabangan ng mga suspek ang behikulo ng hukom sa isang kurbada sa Sayre Highway sa Puerto village.
Kasama ni Pasal ang kanyang driver at mga police escort na sina PO1 Ritchie Labiano at PO1 Jude Lyndon Mercado sa loob ng Suzuki Jimny nang pagbabarilin sila, ayon sa pulisya. (CAMCER ORDONEZ IMAM)