Hiniling ni Sen. Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na ibasura ang kasong graft na inihain laban sa kanya dahil saklaw na ito ng plunder case na kanyang kinahaharap.

Isinumite ng mga abogado ni Estrada sa anti-graft court ang isang mosyon na humihiling na ibasura ang kasong 11 bilang ng paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa kanyang mosyon, iginiit ng kampo ng senador na ang kasong graft ay kasama na sa plunder case na kanyang kinahaharap at walang dahilan upang ipursige pa ito ng korte.

“With the proceedings in the Plunder indictment and these Graft Cases so far conducted, it is apparent that the transactions in the consolidated Graft Cases are the very same ones the prosecution are intending to prove in the Plunder Case,” ayon sa mga abogado ni Estrada.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Matapos itakda ang pre-trial sa kasong graft sa Hunyo 13, binigyang-diin ng mga abogado ni Estrada na sumasailalim ang kasong graft sa plunder case, ayon sa nakasaad sa Section 2 ng Anti-Plunder Law.

“Sen. Estrada submits that the indictments in these consolidated Graft Cases are deemed absorbed by the indictment for Plunder and should be dismissed in so far as he is concerned,” ayon sa kampo ni Estrada.

Base sa inihaing plunder at graft case laban kay Estrada, inakusahan siyang nagkamkam ng P183.793 milyon kick back sa mga proyekto na pinondohan ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at idinaan sa mga pekeng non-government organization ni Janet Lim Napoles.

Simula noong Hunyo 2014, si Estrada ay nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame dahil sa kasong plunder. (Jeffrey G. Damicog)