IPINAHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang kahilingan na ipagpatuloy ng susunod na administrasyon na pamumunuan ni presumptive President Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng family-oriented programs.
“This is because families are the foundation of sustainable development,” pahayag ni DSWD Secretary Corazon J. Soliman.
Ayon pa sa ulat ni Leilani S. Junio ng Philippine News Agency (PNA), ito rin ang nais iparating ni Secretary Soliman nang siya’y magbigay ng mensahe sa idinaos na International Day of Families (IDF) sa SM North EDSA Skydome sa Quezon City, nitong nagdaang Linggo.
Taun-taong ipinagdiriwang ang IDF sa buong mundo tuwing Mayo 15, base sa 1993 Resolution of the United Nations (UN) General Assembly upang ipalaganap ang kamuwangan sa mga isyung may kaugnayan sa pamilya, at upang madagdagan ang kaalaman sa social, economic at demographic processes na nakaaapekto sa pamilya.
Katuwang ang global community, pinamunuan ng DSWD ang pagdaraos ng IDF sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang government agency, civil society organizations, local government units, at ang SM Foundation Inc.
May temang, “Families, Healthy Lives and Sustainable Future,” aabot sa 500 pamilya at family-advocates mula sa iba’t ibang local government units ang nagsama-sama sa SM North EDSA Skydome upang ipagdiwang ang IDF na nagpakita ng kahalagahan ng solidong pamilya.
Ibinahagi ni Soliman kung paano naimpluwensiyahan ng Family Development Session (FDS) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ang maraming program beneficiaries, particular na ang mga magulang.
Aniya, may mga benepisyaryo na nagbigay ng pahayag na sa pamamagitan ng FDS, natutunan nilang maging responsableng magulang — nalaman na ang mga magulang na gaya nila ay may obligasyon sa kanilang mga anak at ang kahalagahan ng positibong pagdidisiplina sa mga bata sa halip na maging marahas.