Kapag mas malaking oras ang ginugugol ng kabataan sa paggamit ng iba’t ibang tech device, mas malaki ang posibilidad na mababa ang makuha nilang grado sa kanilang pagsusulit, ayon sa bagong pag-aaral.
Sa nasabing pananaliksik, pinag-aralan ng mga researcher ang impormasyon mula sa 73 eight-grade student sa Boston, na sumagot sa mga katanungan kung ilang oras ang kanilang ginugugol sa panonood ng telebisyon o video, pakikinig ng musika, paglalaro ng video games, pagbabasa sa Internet, pakikipag-usap sa telepono, at maging sa pagti-text.
Tinanong din ang mga partisipante kung gaano kadalas nilang pinagsasabay-sabay ang mga ito, halimbawa: panonood ng telebisyon habang nagti-text.
Sa kabuuan, aabot sa 25 porsiyento sa mga partisipante ang nagmu-multitasking sa paggamit ng teknolohiya. Ang mga partisipante na mas madalas mag-multitasking sa paggamit ng mga teknolohiya ay nakakuha ng mababang grado sa English at Math, kumpara sa mga partisipanteng hindi gaanong gumagamit ng teknolohiya nang sabay-sabay.
Napag-alaman din na mas mahina ang memorya ng mga madalas mag-multitasking. Mas matigas din ang ulo ng mga ito kumpara sa hindi gaanong gumagamit ng iba’t ibang teknolohiya.
“Those most prone to distraction or impulsive behavior might intentionally media-multitask to manage their level of distractibility,” ayon sa mga researcher. “By choosing a distraction they can control [like a form of media], individuals might be less prone to distraction by unpredictable factors,” katulad ng spontaneous distraction, ayon pa sa mga researcher. LiveScience.com