Dinampot ng pulisya ang anim na empleyado ng isang towing company matapos ireklamo ng driver ng isang truck na kanilang hinatak gayung isang taon nang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang towing operation sa Maynila.
Dakong 3:10 ng umaga kahapon nang maispatan ng mga tauhan ng Pandacan Police ang towing truck habang hinahatak ang isang Isuzu Elf truck sa Zamora Street.
Nang makita ng driver at pahinante ng truck ang mga pulis, humingi ang mga ito ng tulong dahil sa ilegal umano ang paghatak sa kanilang sasakyan.
Agad na hinarang ng mga pulis ang towing vehicle at hiningi ang lisensiya ng driver nito. At nang walang maipakitang driver’s license, inaresto ng pulisya ang driver at limang kasamahan nito.
Matatandaan na 2015 pa ipinagbawal ng pamahalaang lungsod ang towing operation sa siyudad at sa halip, gumagamit na ang mga tauhan ng Manila Traffic District ng clamp lock sa mga sasakyang ilegal na nakaparada.
Ang pagpapatigil sa towing operation ay bunsod na rin ng mga reklamo hinggil sa umano’y pangongotong ng towing crew sa mga motorista.
Kabilang sa mga inaresto sina Jayne Rufino, 46, team leader; Alex Llamas, 26, driver; Jhunger Rosales, 22; Honesto Escudero, 24; Dennies Tuazon, 29; at Edwin Cabahug, 29, truck helper, na pawang empleyado ng PMA Towing and Trucking Service, na nakabase sa Pandacan. (Jenny F. Manongdo)