Sinibak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang 11 tauhan nito sa Kalibo International Airport matapos umanong pagbayarin ang mga pasahero para sa expired terminal fee tickets at ibinulsa pa ang nalikom na pera.
Inatasan ni CAAP Director General Willam K. Hotchkiss III si CAAP Security and Intelligence Service (CSIS) Chief Rodante S. Joya na mag-imbestiga sa alegasyon na sangkot ang mga naturang empleyado sa “recycling” ng mga terminal fee ticket na ilang buwan nang paso.
Ang terminal fee sa Kalibo airport ay nagkakahalaga ng P200 para sa domestic flight ng kada pasahero, habang ang bayarin sa international travel ay P750.
Binawi na ni CAAP Deputy Director General for Administration Artemio Orozco ang kontrata ng 11 empleyado at naglabas na rin ito ng memorandum na roon nakasaad na sinibak na ang mga ito mula sa ahensiya.
“A show cause order has been issued to the regular employee who works as a terminal fee collector at the airport,” pahayag ni Orozco.
Ayon pa sa opisyal, pupusan na ang kanilang imbestigasyon sa isyu base sa posibilidad na mayroon pang ibang empleyado na sangkot sa naturang modus maliban sa 11 sinibak na sa puwesto matapos makakalap ng ebidensiya laban sa kanila.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto ang mga terminal fee inspector na sina Daniva Acosta at Shane Alejandro; mga terminal fee collector na sina Shiela Oirada, Cherry Peralta, Jojean Conanan, Precious Fernandez, Gerry Revister, Maria Briones, Andy Mel Jones Concepcion, at Jovert Alejandro; at flight data encoder na si Shamar Glenn Mabasa.
Inatasan din ang 11 na isuko ang kanilang CAAP identification card at magsumite ng kani-kanilang certificate of clearance hinggil sa mga ari-arian ng ahensiya na inilagay sa kanilang pangangalaga. (Ariel Fernandez)