NEW YORK (AP) – Ipinahayag ng International Olympic Committee (IOC) na nagsasagawa ang asosasyon ng imbestigasyon upang malinawan ang bintang na nagkaroon ng lagayan para maibigay sa Tokyo ang hosting ng 2020 Olympics.
“The IOC work to shed full light on bribery allegations tied to Tokyo’s winning bid for the 2020 Games,” ayon sa pahayag ng Olympic body.
Iginiit ng French prosecutors nitong Linggo na nagkaroon ng bayaran na nagkakahalaga ng 2.8 million Singapore dollars ($2 million) na nagmula sa Japan at ipinadala sa Singapore account ng isang kumpanya na may kaugnayan sa anak ni dating IAAF President Lamine Diack.
Nahaharap sa kasong korupsyon si Diack.
Inamin ng Tokyo bid leaders ang naturang bayaran, ngunit iginiit nilang wala itong kinalaman sa ‘bribery’, bagkus isang lehitimong bayad bilang ‘consulting fee’.
Sinabi ng IOC na hindi sila makikialam sa ginagawang imbestigasyon ng French investigator at inihabilin sa kanilang chief ethics officer ang pakikipag-ugnayan hingil dito.