Pansamantalang isasara sa motorista ang intersection sa Quezon Avenue at Roosevelt Avenue upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng Skyway Stage 3 project, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa advisory nito, sinabi ng MMDA na isasara ang nasabing intersection simula sa Sabado, Mayo 21, at ang mga kakaliwa mula sa Roosevelt patungong Quezon Avenue ay dapat na dumaan sa U-turn slot sa harap ng Maxima.
Ayon sa MMDA, ilalagay sa flashing mode ang mga traffic light sa lugar at mananatiling bukas ang U-turn slot para sa mga apektadong motorista na patungong EDSA habang ginagawa ang Skyway Stage 3 project.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.
Kasabay nito, ipinagtanggol ng MMDA ang pagkakabit ng traffic light sa intersection ng Quezon Avenue at Araneta Avenue sa Quezon City, sa harap ng isang footbridge.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, “intentional” ang puwesto ng traffic light para sa mga tumatawid na pedestrian bukod pa sa pansamantala lang ito, bilang bahagi ng Skyway Stage 3 Project. Hindi pa rin naman operational ang nasabing traffic light, aniya.
“Later on, the footbridge will be removed as the construction works of the Skyway Stage 3 Project progresses,” ani Carlos. (Anna Liza Villas-Alavaren)