Pagpili sa bagong sports chairman, nirerepaso na ni Digong para sa Rio.

Change is coming – maging sa Philippine sports.

Hindi man direktang nababangit sa inihahandang pamahalaan ng nakaambang Pangulo na si Mayor Duterte ang sector ng sports, sinabi ng isang dating commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC) na nasusubaybayan ni Digong ang katayuan ng atletang Pinoy at ng Philippine sports sa kasalukuyan.

“He really concerned about the sports. Lalo na sa mga atleta. Hindi maiiwan ang sports sa liderato ni President Duterte,” pahayag ni Davao City sportsman Leon Gonzalo ‘Binggoy’ Montemayor, bahagi ng PSC Board sa administrasyon ng dating Pangulong Gloria Arroyo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tulad sa paghahandang ginagawa sa magiging miyembro ng kanyang Gabinete, makasisiguro ang taong-bayan, higit ang mga atletang matagal nang nakakaligtaan ng mga nakalipas na administrayon, na sinisiguro ng binuong selection committee ng Pangulong Duterte na mailalagay sa puwesto yaong mga ‘competent, pro-athlete at walang bahid ng korapsyon’ na mga sports official sa Philippine Sports Commission (PSC) – ang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa progreso ng pambansang sports.

Tugma sa posisyon si dating North Cotabato Gov. Manny Pinol, isang respetadong personalidad sa Philippine sports bilang dating sportswriter, columnist at patnugot ng pahayagang Manila Bulletin/Tempo, bukod sa pagiging boxing analyst at radio announcer, ngunit mas kinailangan siya sa Department of Agrarian Reform.

“Marami pa namang deserving official na puwede sa PSC,” nabanggit ni Pinol.

Nakaumang din si Butch Ramirez, hepe ng Davao Sports Council, ngunit tumanggi na umano ito ayon sa tagapagsalita ni Duterte na si Pete Lavina.

Hindi binangit ni Lavina ang dahilan ni Ramirez, dating PSC chairman at bahagi ng campaign team ni Duterte. Ngunit, sa panayam ng Spin.ph, sinabi ni Lavina na minamadali na rin ang paghahanap na ilalagay sa PSC

“We will try to find someone there. Kailangan din kasing matutukan ang paghahanda ng ating mga atleta sa Rio Olympics,” aniya.

Nakatakda ang Rio Olympics sa Agosto 5-21. Sa kasalukuyan, anim na Pinoy na ang kwalipikadong sumabag sa quadrennial Games.

“Mayor Duterte has always been a supporter of sports, you can expect him to be behind our athletes and their needs,” sambit ni Lavina.

Kabilang ang sector ng sports sa mga sumuporta sa kandidatura ni Duterte at tahasan siyang ikinampanya ng mga sports personalities, atleta at mga coach dahil sa paniniwala sa kanyang adhikain na baguhin ang bulok na sistema sa pamahalaan.

Ikinatuwa ng Athletes and Coaches Association of the Philippines (ACAP) ang estado ng pagkalinga ni Duterte sa sports, gayundin sa panuntunan sa pagpili ng magiging lider sa PSC.

“Wala na ang palakasan. Wala na ang padrino. Yung tunay na tutulong sa Philippine sports ang mapipili ni Presidente Duterte. Ito ang matagal na naming hinihintay na pagbabago,” pahayag ni SEA Games long jump record holder at miyembro ng POC athletes commission Marestella Torres-Sunang.

Sa panayam, mariing sinabi ni Duterte na ibabasura lamang niya ang mga aplikasyon ng nagnanais na ma-appoint sa anumang ahensiya ng pamahalaan kung may lakip na rekomendasyon ng Senador, Congressman o sinumang tatayong padrino.

Nakasanayan na ang tumatangan sa timon ng PSC ay mga opisyal na malapit sa Malacanang, gayundin ang mga inayudahan ng mga matataas na opisyal. Ang kasalukuyang PSC Board, na pinamumunuan ni Richie Garcia, ay pawang malapit kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, tiyuhin ng dating Pangulong PNoy.

Katuwang din ni Duterte sa pagsulong ng pagbabago sa sports ang Party-list na Partido ng Bayaning Atleta (PBA), na pinamumunuan nina Davao native Mark Sambar at Jericho Nograles, nakababatang kapatid ni Davao City Rep. Karlo Nograles, isa sa miyembro ng Transition Team ni Digong, gayundin ang 1-Pacman ni Globalport owner Dr. Mikee Romero.

Kapwa nakapaloob sa programa ng dalawang Party-list ang pagbuo ng Department of Sports para mas matugunan ang pangangailangan ng atleta, higit sa kanilang pagsasanay para maging kompetitibo at world-class. (Edwin Rollon)