Nais ni dating Manila Mayor Alfredo Lim na mapawalang bisa ang proklamasyon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, na idineklarang nanalo sa mayoralty race sa nasabing lungsod nitong May 9 polls.
Matapos magdasal sa Manila Cathedral ay dumiretso si Lim sa Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila upang ihain ang petition for disqualification and annulment laban kay Erap.
Bukod kay Erap, isanama rin ni Lim sa hanay ng mga respondent sa petisyon sina City Election Officer Anthonette Aceret, City Prosecutor Edward Togonon, Superintendent of City Schools Wilfredo Cabral, at mga miyembro ng city board of canvasser sa Maynila.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Lim na dapat na ipawalang-bisa ang proklamasyon ni Erap dahil sa pamimili nito ng boto.
Ilegal rin aniya ang pag-canvass ng boto ng mga city board of canvasser at humirit pa ito ng recount.
Mariin namang itinanggi ni Estrada ang alegasyon ni Lim at sinabing haharapin niya ang reklamo laban sa kanya.
Pinatutsadahan niya si Lim at sinabing posibleng nananaginip ang dating alkalde, na dalawang ulit na niyang tinalo sa eleksiyon. (Mary Ann Santiago)