Aprubado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukala ni presumptive president Rodrigo Duterte na magpatupad ng 60 kilometro kada oras na limitasyon sa mga sasakyan sa EDSA, na walang speed limit.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ang 60 km/ph na speed limit sa lahat ng sasakyan, kabilang na ang mga motorsiklo, ay ipinatutupad lang sa Commonwealth Avenue sa Quezon City at sa Diosdado Macapagal Avenue sa Pasay City.
“Along EDSA, there is no enforcement of speed limit. The proposed 60 kph can be an optimal speed limit along the highway,” ani Carlos.
Gayunman, sinabi ni Crisanto Saruca, pinuno ng MMDA Traffic Discipline Office (TDO), na ang panukalang 60 kph ay maaari lamang ipatupad tuwing Linggo, kapag holiday, at tuwing madaling-araw, sa mga panahong magaan ang trapiko sa EDSA, dahil hindi naman mabilis ang takbo ng mga sasakyan sa nasabing lansangan kapag karaniwang araw.
“There is no danger of speeding on regular days because of the bad traffic, especially on rush hour morning and afternoon till evening,” paliwanag ni Saruca.
“When the government is able to achieve its target to decongest and manage the number of vehicles along EDSA, that’s the time you can fully enforce speed limit,” dagdag pa ni Saruca. (Anna Liza Villas-Alavaren)