SA gitna ng pagbubunyi ng sambayanang Pilipino sa pagkakapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte bilang pangulo ng bansa, hindi rin maiiwasan na may masipat na agam-agam ang ilang mga tagapagtaguyod ng kanyang kandidatura. Ang dumagundong sa pangkaraniwang masa ay ang “pagpapakatotoo” ni Digong. Sawang-sawa na ang Pilipino sa mga pulitiko na magaling mambola tuwing panahon ng kampanya. Ito si Duterte, binibisto ang sarili; may mga babae umano siya, nagmumura, at minsan na ring pumatay. Walang palamuti sa salita. Diretsahan, wika nga, kung ipakilala ang sarili, tanggapin man siya ng mga tao o hindi.
Napunan ni Duterte ang puwang na matagal nang hinahanap ng masa –isang lider na susugpo sa laganap na krimen at droga. At naniniwala (at napaniwala) ang marami kay Duterte na may mananagot sa kadalasang pang-aapak ng kasamaan sa maliliit, sa mga walang boses, dahil may reresbak para sa kanila. Bale, mistulang naging bingi ang karamihan sa ibang mga mungkahi ni Digong.
Ang iba, pinalusot na lang, at baka nagbibiro lang ito. Subalit malinaw pa sa sikat ng araw ang katagang “martial law” at “revolutionary government” makailang ulit namutawi, at posibleng iumang (sa panghinaharap) sa Kongreso at Korte. Kahit sinong taga-media o press, tatayuan ng balahibo kapag nakakadinig ng ganito. Nariyan din ang peligro ng pagsusulong sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Magugunitang sinabi ni Duterte na tanging BBL lang ang makapagbibigay ng kapayapaan sa Katimugang Mindanao. Batid natin na ang BBL ay labag sa Konstitusyon. Pinangangambahan din na ang “pagsundo” kay Jose Ma. Sison ay simula na nang pagkawala ng demokrasya dahil may usap-usapan na iluluklok sila sa bagong pamahalaan—“Government of National Unification”. Gusto ni Digong pasimulan ang Usapang Pangkapayapaan sa mga Komunista.
Hindi naman naniniwala ang hanay kaliwa sa “ceasefire” dahil layunin nila ay ganap na tagumpay. At sa bandang huli, pagtulak sa Federalism. Sa halip na mas pagtibayin ang pagkakaisa ng bawat Pilipino, magiging dahilan pa ito ng pagkakawatak-watak. (Erik Espina)