LONDON (AP) — Nahaharap sa suspension ang Russian national federation, sakaling mapatunayan ang alegasyon sa ginawang manipulasyon ng state-sponsored doping sa Russia, ayon kay International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Hindi naman malinaw kung apektado ng posibleng parusa ang paglahok ng Russia sa Rio Olympics sa Agosto 5-21.
“We are waiting for the facts,” sambit ni Bach.
“We need a fair procedure for everybody. Should the allegations be proven true, we will apply our zero tolerance policy, not only with the athletes, but also with regards to everyone implicated within our reach,” aniya.
Ayon kay Bach, ang resulta ng ginawang ‘retest’ sa doping samples ng Russian athletes mula 2008 hanggang 2012 Olympics – kung saan 31 atleta ang nagpositibo sa droga – ay malalaman sa susunod na buwan.
Iginiit ni Bach na ang alegasyon na minanipula rin ng Russian officials ang drug-testing system sa 2014 Winter Games sa Sochi, Russia ay isang “shocking new dimension in doping” at “unimaginable level of criminality.”
Isiniwalat ni Grigory Rodchenkov, dating head ng Russian lab, sa panayam ng New York Times na minanipola niya ang doping sa Winter Games.
“If these allegations are true, we will hold everybody responsible who is implicated,” pahayag ni Bach.