BARYA lang po sa umaga.
Ito ang karaniwang nakapaskil sa likuran ng sandalan ng upuan ng jeepney driver.
Bilang paalala sa mga pasahero, nais iparamdam ng driver na karaniwa’y wala siyang panukli sa umaga kaya mas makabubuti para sa una ang maghanda ng barya bilang pasahe.
Kapag walang baryang panukli ang driver, ‘tila ang katagang ito ang ginagamit ng driver na lisensiya upang hindi mag-abot ng sukli.
At dahil nakapaskil at malalaki pa ang letra, ipinararamdam din ng mga jeepney driver na wala kang karapatang magreklamo kung wala sa iyong maiabot na panukli.
Umagang-umaga, ito ang madalas na nagiging mitsa ng bangayan ng driver at pasahero.
Dahil sa konting barya, nauuwi sa away, at paminsan-minsan, sa patayan.
Tuloy, marami ang napapakamot ng ulo kung bakit umaabot sa ganito.
At sa panig ng pasahero, ang ipinaiiral lang daw niya ay ang prinsipyo habang sa driver, ang realidad na wala talagang panukli.
Kamakailan, nagbabala na si presumptive President Rodrigo Duterte laban sa mga driver ng pampasaherong sasakyan na tigilan na ang hindi pagbibigay ng sukli sa mga pasahero.
Aniya, hindi siya mag-aatubiling parusahan ang mga pasaway na driver na hindi nagbibigay ng sukli dahil sa kanilang palusot na wala silang barya.
“P%#@&^! ‘Wag na kayong bumiyahe kung wala kayong panukli,” pahayag ni Digong.
Laking kalye, barubal, at tigasin sa kanyang pananalita, ‘tila ramdam ng mamamayan ang panggigigil ni Mayor Digong sa mga pasaway na jeepney driver.
Ngayon, kung inaakala n’yo na hindi kayo matitiktikan ni Duterte kapag ipinagpatuloy n’yo ang ganitong masamang asal, magdalawang-isip muna kayo.
Kung matatandaan n’yo, si Duterte lang ang natatanging alkalde na ilang beses na nagmaneho ng taxi noong kanyang termino upang mapulsuhan ang damdamin ng mamamayan ng Davao City.
Nais niyang alamin kung ang mga pasahero ba’y tinatrato nang mahusay ng mga driver, sinusuklian nang tama, at hindi binabastos.
Huwag kayong magulat na habang sakay si Duterte ng kanyang presidential car ay bigla siyang bababa upang kumprontahin ang isang jeepney driver na nakabalandra ang sasakyan habang naghihintay ng pasahero.
Mahigpit ang naging tagubilin ni Mayor Digong sa mga lider ng barangay: “Rumonda kayo at tiyakin na napoproteksiyunan ang mga mamamayan.”
Sa direktiba ng bagong Pangulo laban sa mga abusadong driver, malaki ang papel na gagampanan ng mga barangay official, traffic aide at pulis sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko.
Huwag na nating hintayin siyang mapikon at magbitiw: “Bahala kayo sa buhay n’yo!” (ARIS R. ILAGAN)