HINDI pa naipoproklama si President-elect Rodrigo Duterte ngunit pambihira ang pangunguna niya sa nakuhang mga boto kaya naman tinututukan ngayon ng lahat ang bawat kilos niya, pinakikinggan ang sinasabi ng lahat niyang close aide at tagapayo, at hinuhulaan ang mga posible niyang ilapat na solusyon sa sangkaterbang problema na kinahaharap niya at ng buong bansa.
Marami nang pangalan ang nabanggit bilang posibleng italaga sa kanyang Gabinete. Ang inaasahang magiging kasapi ng Gabinete ang naghayag na ng eight-point economic agenda sinasaklaw ang reporma sa burukrasya, imprastruktura, dayuhang pamumuhunan, pagpapasigla sa agrikultura, pangangasiwa sa lupa, pinag-ibayong sistema ng edukasyon na may kinalaman sa mga pangangailangan ng pribadong sektor, pagbabago sa sistema ng pagbubuwis upang matulungan ang tumatanggap ng kakarampot na sahod, at pagpapalawak sa Conditional Cash Transfer program.
Dahil umani ng atensiyon sa kanyang kandidatura ang ipinangako niyang reresolbahin ang problema sa ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, naghihintay ngayon ang bansa kung paano isasakatuparan ni Duterte ang nabanggit na plano niya na mistulang napakaimposible. Maraming iba pang mga problema na nangangailangan ng agarang aksiyon na nagsilutang sa serye ng isinapublikong debate ng mga kandidato sa pagkapangulo noong kampanya—partikular ang pangangailangan sa mas maraming trabaho upang maresolba ang matinding problema sa kahirapan, ang suliranin sa trapiko sa Metro Manila na labis na nakaaapekto sa ekonomiya, ang insurhensiya at iba pang problema sa seguridad sa Mindanao, at ang agawan sa teritoryo sa South China Sea.
Sa mga unang buwan ng administrasyong Duterte, ito at maraming iba pang problema na nagkapatung-patong na sa nakalipas na mga taon ang inaasahang haharapin ng susunod na administrasyon ni Pangulong Duterte na lumutang sa iba pang kandidato bilang pinaka-may kakayahan sa determinadong pagdedesisyon.
Bago pa magsimulang umusad ang mga programang ito, susubaybayan ng bansa ang mga unang hakbangin ni Duterte bilang bagong president ng Pilipinas—sa kanyang panunumpa sa tungkulin sa Independence Grandstand sa Luneta sa Hunyo 30.
Ipinakita ni Pangulong Aquino ang kanyang presidency nang isinantabi niya ang tradisyon ng panunumpa ng bagong presidente sa punong mahistrado ng Korte Suprema, na, ayon sa kanya, ay midnight appointee ni noon ay pababa sa puwesto na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ang unang executive order mula sa bagong pangulo ay ang pagtatatag ng Truth Commission upang busisiin ang kurapsiyon at iba pang iregularidad sa administrasyong Arroyo. Makalipas ang ilang buwan, pinatalsik naman sa puwesto si Chief Justice Renato Corona.
Kapag nanumpa sa tungkulin si Pangulong Duterte sa Hunyo 30, maaari niyang ibalik ang tradisyon ng panunumpa sa punong mahistrado. O maaari ring isa sa kanyang mga fraternity brother sa San Beda Law. O maaari siyang manumpa ng tungkulin sa harap ng isang barangay chairman, dahil pinahihintulutan na ito ngayon ng batas. Ang kanyang unang opisyal na hakbangin bilang pangulo ang magbibigay sa atin ng pasilip sa kung ano ang aasahan ng bansa sa kanyang pamumuno sa susunod na anim na taon.
Ito ay isang pamumunong walang pag-aalinlangan, at nangunguna sa kanyang target list ang mga drug lord. Ngunit maaari rin itong maging isang healing presidency, hihimukin ang iba pang opisyal ng bansa para magkaroon ng kani-kanyang ambag ng abilidad at kalakasan, at kalaunan ay magsilbing inspirasyon upang maging huwaran sa iba. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng hustisya ngunit hindi sa uring may pinipili—na hindi matatawag na katarungan.
Isang pagkapangulong nagpapahilom at nagbubunsod ng pagkakaisa. Isa itong ideyalismo na dapat na asahan nating lahat.