Tulad ng kanyang itinuturing na ama na si presumptive President Rodrigo Duterte, palabiro rin ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Supt. Ronald “Bato” de la Rosa.

Bukod dito, palamura rin ang susunod ng hepe ng Pambansang Pulisya, na binansagang “Sir Bato” dahil sa kanyang maskuladong pangangatawan.

Subalit mas malalim pa rito ang dahilan kung bakit siya ang napili ni Duterte bilang tagapamuno ng Pambansang Pulisya na may mahigit 160,000 tauhan. Ayon sa malalapit na kaibigan ng dalawa, iisa ang kanilang istilo at adhikain laban sa sa mga kriminal, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.

“Our focus? Patayan sa drugs. Patayan talaga ito sa drugs kaya kayong mga drug lord diyan, humanda kayo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Talagang sasagasaan ko kayo,” ayon kay De la Rosa sa panayam matapos ihayag ni Duterte sa Davao City na siya ang susunod na PNP chief.

Naniniwala si De la Rosa, kasalukuyang executive officer ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development, isa sa mga pangunahing dahilan ang pagkakapili sa kanya ay nakatuon ang kanyang liderato sa pasugpo ng problema sa droga base sa paniniwala niya na konektado ang lahat ng krimen dito.

Itinuturing din ni De la Rosa na malaking hamon sa kanya ang itinakdang deadline ni Duterte sa pasugpo sa ilegal na droga sa loob ng anim na buwan.

Nang tanungin kung kaya niyang tugunan ang hamon ni Duterte, sagot ni De la Rosa: “Kakayanin natin. P#%@, papa- Chief PNP ka tapos hindi mo kakayanin. Dapat kayanin mo.”

Aniya, uunahin niyang linisin ang hanay ng pulisya, lalo na ang mga bugok na miyembro ng PNP na tumatayong protektor ng drug syndicates.

“Paano mo lilinisin ang labas kung ang sarili mong bahay ay marumi? Kaya lahat ng pulis na sangkot sa ilegal na droga, dapat magsilayas na kayo,” babala ni De la Rosa. (AARON RECUENCO)