Isang buwan at kalahati bago magtapos ang kanyang termino, nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang “Children’s Emergency Relief and Protection Act” nitong Miyerkules sa Malacañang.
Kikilalaning Republic Act (RA) No. 10821, ang Children’s Emergency Relief and Protection Act ay lilikha ng komprehensibong plano sa buong bansa para protektahan ang mga batang apektado ng kalamidad.
Inaatasan nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang pambansang ahensiya na pagbutihin ang mga serbisyong may kaugnayan sa pagsusubaybay at pagpoprotekta sa mga batang mahina sa/at apektado ng mga kalamidad.
Ito ay kinabibilangan ng pagpapabuti sa family tracing para sa mga menor na walang kasama, hiwalay na data collection para sa pagtukoy sa mga bata, child-focused emergency trainings at paglilimita sa paggamit sa mga paaralan bilang mga evacuation center upang mabilis na makapagpatuloy sa eskuwela ang mga bata.
Titiyakin din ng bagong batas ang mga pangunahing pangangailangan ng kabataan sa panahon ng kalamidad gaya ng pagkain, damit, gayundin ang edukasyon at serbisyong medikal.
“Magsasagawa tayo ng child-responsive training program para sa lahat ng responders sa mga lugar na pinangyayarihan ng kalamidad. Sa paraang ito, ang pagtutok sa kaligtasan ng kabataan, magiging prayoridad na rin sa emergency response training ng ating NDRRMC (National Disaster Risk Reduction & Management Council) agency members,” pahayag ni PNoy. (MADEL SABATER-NAMIT)