Dalawang lalaki, itinuturong responsable sa serye ng pagnanakaw ng sasakyan sa Nueva Ecija at karatig lalawigan, ang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad sa isinagawang pursuit operations sa Bulacan, kamakalawa ng umaga.

Ayon kay Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting provincial director ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO), ang mga naaresto ay sina Jaime Dela Cruz Dumias, 28, isang auto mechanic at residente ng Barangay Pulong Malaki, San Isidro, Nueva Ecija; at si Tomasito Nicolasora Lagipo, 25, ng Brgy. Sta. Lucia, San Miguel, Bulacan.

Ang pagkakaaresto sa dalawa ay bunsod ng reklamo ni Ronel Ceno Rufo, 40, matapos tangayin ang kanyang minamanehong Kurt Jericson Transport taxi (Toyota Vios), sa Brgy. Sto. Cristo Norte, Gapan City, Nueva Ecija, nitong Martes ng umaga.

Agad inalarma ng Gapan City Police Station ang insidente kaya nagsagawa agad ng checkpoint ang pulisya.

‘Kaway-kaway mga trentahin at kwarentahin!’ Sikat na Pinoy chocolate, magbabalik na!

Matapos ang ilang oras, naispatan ang taxi unit ni Rufo na may plakang ASA 6527 sa Brgy. Lambakin, San Miguel, Bulacan, habang sakay sina Dumias at Lagipo.

Nagkaroon pa ng habulan ang dalawang grupo, subalit nakorner din ang mga suspek at agad na inaresto.

Nabawi rin sa dalawang carnapper ang dalawang caliber 38 revolver, mga bala, at isang patalim, ayon sa pulisya. (Franco G. Regala)