Sugatan ang pitong sundalo ng Philippine Army (PA) matapos pasabugan ng hinihinalang Abu Sayyaf ng granada ang sinasakyan nilang military truck sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu, kahapon.
Batay sa report na tinanggap ng Western Mindanao Command (WestMinCom), nangyari ang pagsabog dakong 5:28 ng umaga sa Marina Street, Bgy. Walled City sa Jolo.
Nakilala ang mga biktima na sina Sgt. Zandro Sambrano, Staff Sgt. Ferdinand Bisnar, Cpl. Juanito Taguiam, Jr., Cpl. Arth Manatad, Cpl. Arnel Pascual, Cpl. Louis Limmayog, at Cpl. Calpasi Olli, pawang operatiba ng Scout Ranger.
Ayon kay Major Filemon Tan, tagapagsalita ng WestMinCom, malaki ang hinala na kagagawan ng bandidong Abu Sayyaf ang pagpapasabog ng granada sa truck ng mga sundalo.
Batay sa report, hinagisan ng granada ang six-by-six truck na sinasakyan ng 10 tauhan ng 10th Scout Ranger Company (SRC) na nakabase sa Sitio Bud Datu sa Bgy. Tagbak, Indanan.
Sinabi ni Tan na pabalik na sana ang mga sundalo sa kanilang headquarters mula sa Jolo port matapos sunduin ang kanilang mga kasamahan nang mangyari ang pagsabog.
Isinugod sa Military Trauma Hospital ang mga biktima at ngayon ay ligtas na ang kalagayan.
Narekober ng mga awtoridad ng mga parte ng atis type grenade na ginamit sa pagsabog.
Patuloy ang pagtugis ng militar at pulisya ang mga suspek na nakasakay sa isang motorsiklo nang tumakas palayo sa pinangyarihan. (FER TABOY)