LONDON (AP) — Ipinahayag ng International Olympic Committee (IOC) nitong Martes (Miyerkules sa Manila) na hindi palalaruin sa Rio Olympics ang mga kwalipikadong atleta na kabilang sa 31 atleta mula sa anim na sports na nagpositibo sa ipinagbabawal na droga.
Sa isinagawang ‘retesting’ sa urine samples ng mga naturang atleta na sumabak sa 2008 Beijing Games, nagpositibo ang 31 atleta mula sa 12 bansa na hindi pinangalanan ng IOC.
Bunsod nito, magsasagawa rin ng ‘retesting’ sa drug samples sa 2012 London Games.
“This is a powerful strike against the cheats,” pahayag ni IOC President Thomas Bach.
“They show once again that dopers have no place to hide,” aniya.
Iginiit din ng IOC ang planong pagsasagawa ng ‘reanalyze drug tests’ sa 2014 Sochi Winter Games matapos ang alegasyon na dinaya at minanipoloa ang mga samples ng state-sponsored Russian doping program.
Ang pagpositibo sa samples sa Beijing ay bahagi ng isinagawang retesting ng 454 doping samples, gamit ang “the very latest scientific analysis methods,” ayon sa IOC.
Ayon sa Olympic body, naitago nila ang mga samples sa nakalipas na 10 taon at isinailalim sa ‘retesting’ gamit ang makabagong teknolohiya. Anila, ang mga atletang nagkasala ay papatawan ng ‘retroactive disqualification’ at babawian ng medalya.
Tumanggi ang IOC na pangalanan ang mga naturang atleta bilang bahagi ng legalidad, ngunit ipararatring nila ang resulta sa kani-kanilang Olympic assosciation.
“All those athletes infringing anti-doping rules will be banned from competing at the Olympic Games” in Rio, ayon sa IOC.