Bugbog-sarado ang dalawang binatilyo matapos kuyugin ng mga tambay nang mamataang hino-hold up ang isang babae sa Sta. Cruz, Manila, nitong Martes ng gabi.

Halos hindi na makilala ang mga suspek na sina Steve Sanchez, 18, at Michael Galias, 19, dahil sa mga pasa at sugat na nataamo nang arestuhin ng mga opisyal ng barangay sa Malabon St., Sta. Cruz, Manila, dakong 10:00 ng gabi nitong Martes.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad pauwi ang biktimang si Jenny Pantig nang lapitan nina Sanchez at Galias.

Agad umanong tinutukan ng patalim si Pantig sa leeg at nagdeklara ng holdap hanggang sa tuluyang tinangay ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng tatlong cell phone.

‘Kaway-kaway mga trentahin at kwarentahin!’ Sikat na Pinoy chocolate, magbabalik na!

Nang tatakas na ang dalawang kawatan, nagsusumigaw si Pantig at humingi ng tulong dahilan upang rumesponde ang mga tambay sa lugar.

Sa puntong ito, hinabol ng mga tambay ang dalawang suspek hanggang sa makorner at salitang pinagsasapak at pinagtatadyakan ang mga ito hanggang sa dumating sa lugar ang mga opisyal ng barangay.

Nabawi ng mga barangay official ang bag at cell phone na tinangay ng mga suspek sa biktima. (Analou C. de Vera)