LAYUNIN ng selebrasyon ng World Telecommunication and Information Society Day (WTISD) na magsulong ng kamulatan sa mga potensiyal ng Internet at ng iba pang mga information and communication technology (ICT) sa mga umuunlad na lipunan at ekonomiya, at pinag-uugnay ang pagkakaiba sa teknolohiya.

Ang tema ng WTISD ngayong taon, ang “Information and Communication Technologies (ICT) Entrepreneurship for Social Impact”, ay kumikilala sa ICT bilang isang mahalagang bahagi ng ating modernong lipunan, at nakaaapekto sa lahat ng aspeto ng buhay—sinusuportahan ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, serbisyo ng gobyerno, merkadong pinansiyal, sistema ng transportasyon, e-commerce platform, pangangasiwa sa kalikasan, at pagkontrol at pamamahala sa mahahalagang serbisyo, supply ng tubig at kuryente, at proseso ng paglikha at pamamahagi ng pagkain. Partikular na binibigyang-diin ng tema ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga negosyante at ng mga small to medium-sized enterprise (SME) sa pagtiyak sa kaunlaran ng ekonomiya sa paraang mapapanatili ito at nakakabilang ang lahat.

Binibigyang-diin din na ang pagpapaunlad sa mga solusyong makabago at ginagamitan ng ICT na may pambihirang potensiyal upang magkaroon ng pangmatagalang epekto sa mga ekonomiyang pandaigdigan, pang-rehiyon, at pambansa ay maaaring lumikha ng mga trabaho, partikular na para sa kabataan, sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya.

Ang World Telecommunications Day (WTD) ay unang ipinagdiwang noong Mayo 17, 1969, kasabay ng pagtatatag sa International Telecommunications Union (ITU) at paglagda sa unang International Telegraph Convention noong 1865.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nobyembre 16-18, 2005 nang manawagan ang World Summit on the Information Society (WISI) sa UN General Assembly upang ideklara ang Mayo 17 bilang World Information Society Day (WISD) upang pagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng ICT at ang napakaraming usapin na may kaugnayan sa information society na inilahad sa pulong. Noong Marso 27, 2006, pinagtibay ng General Assembly ang isang resolusyon (A/RES/60/252) na nagtatakda sa Mayo 17 ng bawat taon bilang WISD. Nobyembre 6-24, 2006, sa ITU Plenipotentiary Conference sa Antalya, Turkey ay napagpasyahang pagsamahin ang selebrasyon ng WTD at WISD bilang WTISD na taunang ipagdiriwang tuwing Mayo 17.

Ang ITU ang espesyal na ahensiya ng UN para sa ICT at binubuo ng 193 miyembrong estado, kabilang ang mga ICT regulator, maraming pangunahing institusyong akademiko, at nasa 700 tech company.

Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng 2016 WTISD, hinimok ni UN Secretary Ban Ki-moon ang mga pinuno ng mga bansa na mamuhunan sa kabataang innovator na dalubhasa sa paggamit ng ICT at nagpasimula sa transformative technology, lumikha ng mga trabaho, at napakinabangan ng lahat ng ekonomiya. Bukod sa pinag-uugnay ang mga tao sa iisang layunin, ang ICT ang magbibigay-daan sa mas solidong mga lipunan na kinabibilangan ng mga indibiduwal, at tumutulong sa mga bata at sa matatanda upang manatiling aktibo. Nanawagan siya sa mga gobyerno, negosyo, at leader ng lipunan na lumikha ng mga bagong teknolohiya na magkakaroon ng pangmatagalang epekto at makatutulong upang maisakatuparan ang 17 Sustainable Development Goal at kilalanin ang pangkalahatang hangarin para sa dignidad ng lahat ng tao.