NANAWAGAN si Defense Minister Ryamizard Ryacudu ng Indonesia ng pinaigting na sanib-puwersang pagpapatrulya sa karagatan na nag-uugnay sa Indonesia sa Pilipinas, Malaysia, at Brunei, pawang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang Malacca Strait at ang karagatang nag-uugnay sa apat na bansa ay hindi dapat na matulad sa karagatan ng Somalia na naging talamak na ang pambibiktima ng mga pirata, aniya.
Ang pagtukoy sa Somalia ay kaugnay ng matagal nang pinoproblema sa pandaigdigang paglalayag, partikular ng mga barkong nagbibiyahe sa pagitan ng Red Sea, Gulf of Aden, at Arabian Sea. Gumagamit ang mga pirata ng daan-daang bihag, kabilang ang mga Amerikano at Briton, at humihingi sila ng ransom money mula sa pamilya o gobyerno ng mga ito. Nagpapatrulya na ngayon sa lugar ang mga dayuhang barkong pandigma.
Hindi pa umaabot ang mga pirata sa Timog-Silangang Asya sa talamak na pambibiktima ng mga piratang Somali, ngunit ang mga huling insidente ay umakit ng atensiyon sa aktibidad ng mga ito. Noong Marso, sumakay ang mga pirata sa isang tugboat sa paglalayag sa karagatan ng Tawi-Tawi sa Mindanao at dinukot ang 10 tripulanteng Indonesian. Humingi ang Abu Sayyaf sa Jolo ng P50-milyon ransom para sa pagpapalaya sa mga tripulante at pinalaya na sila sa unang bahagi ng buwang ito. Isa pang tugboat na naglalayag mula sa Cebu patungong Tarakan sa North Kalimantan, Indonesia ang hinarang sa Tawi-Tawi. Apat na tripulante ang binihag din, at pinalaya na ang mga ito noong nakaraang linggo.
Ang makipot na Malacca Strait sa pagitan ng isla ng Sumatra sa Malaysia at Indonesia ang partikular na tinututukan ng dalawang bansa, gayundin ang Singapore sa katimugang dulo ng Malaysia. Ang strait ay sa ruta ng paglalayag sa pagitan ng India at China at ng mga bansang nagluluwas ng petrolyo sa Persian Gulf at sa mga pantalan sa East Asia.
Noong 2004, nangyari sa Strait of Malacca ang 40 porsiyento ng lahat ng pambibiktima ng mga pirata sa mundo, bagamat bumaba sa 239 ang biniktimang barko noong 2006 mula sa 276 na barko noong 2005.
Iminungkahi ng Indonesia ang pinaigting na sanib-puwersang pagpapatrulya sa karagatan habang naghahanda ang ASEAN na pag-isahin ang mga ekonomiya ng mga bansang miyembro nito upang maging iisang ASEAN Economic Community. Bagamat bibigyang-diin ang kaunlaran at pagtutulungang pang-ekonomiya, hindi nito dapat na mahadlangan ang masusing ugnayan sa iba pang larangan na may interes ng ASEAN, gaya ng seguridad at kapayapaan at kaayusan.
Sa dulong hilaga ng karagatan na roon nagpanukala ang Indonesia ng sanib-puwersang pagpapatrulya laban sa mga pirata, tatlong bansang ASEAN ang nahaharap din sa problema kaugnay ng pakikipag-agawan ng teritoryo sa China. Isa pa itong suliranin—higit na pulitikal kaysa pang-ekonomiya o seguridad. Dahil dito, pinili ng ASEAN na huwag magpatupad ng anumang pinag-ugnayang hakbangin sa usaping ito.
Ngunit ang sanib-puwersa at pinag-isang pagpapatrulya laban sa mga pirata ay isang kapuri-puring aksiyon ng Indonesia, Pilipinas, Malaysia, at Brunei. Lalo pa at ang Abu Sayyaf sa Jolo at Basilan ang sangkot sa mga huling insidente ng pagdukot at pagbihag, dapat na tanggapin ng Pilipinas ang oportunidad na makipagtulungan sa ating mga kalapit-bansa sa ASEAN para sa pagpapatrulya sa ating karagatan laban sa mga pirata.