Humirit si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima sa Sandiganbayan Sixth Division na ibasura ang kasong graft na inihain sa kanya kaugnay ng umano’y maanomalyang pagkuha sa serbisyo ng courier company para sa paghahatid ng lisensiya ng baril.
Nagsumite ang mga abogado ni Purisima ng urgent omnibus motion sa Sandiganbayan Sixth Division upang ibasura ang kasong inihain sa kanya dahil sa kawalan ng probable cause.
Samantala, hiniling din ng kampo ng dating PNP chief na ipagpaliban ang pagpapatupad ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya bunsod ng nakabimbin na omnibus motion na kanyang inihain.
Nag-ugat ang kaso sa pag-obliga ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO) sa paghahatid ng mga naaprubahang lisensiya ng baril sa pamamagitan ng courier service na Werfast noong 2011.
Subalit nadiskubre ng Ombudsman na hindi kuwalipikado ang Werfast na pumasok sa kontrata dahil hindi ito nakatupad sa requirements.
Ngunit ipinaliwanag ng mga abogado ni Purisima na hindi dapat siya isama sa kaso dahil inaprubahan lamang niya ang memorandum na isinumite ng kapwa niyang akusadong si Gil Meneses na may petsang Pebrero 12, 2013 at sa kanyang pagdalo sa isang pulong sa kanyang tanggapan noong Hunyo 28, 2013.
Inihirit din ng mga abogado ni Purisima na bago naaprubahan ang kontrata, pinayagan na ang Werfast na magbigay ng courier service para sa PNP base sa Memorandum Agreement 05-2011.
“Besides, what movant Purisima approved was not the grant of any new contractual right to Werfast, but the system of mandatory delivery of firearms licenses to gun owners at their respective addresses as registered,” ayon sa kampo ng depensa. “Moreover, as found by the Ombudsman itself, accused Meneses misled movant Purisima into believing that Werfast had already been accredited.” (Jeffrey G. Damicog)