NGAYONG si Mayor Rodrigo Duterte na ang magiging ika-16 na pangulo ng Pilipinas, ang PDP-Laban na ang mga miyembro ay baka malulan lang sa isang van noon, ay inaasahang dadagsain ng sangkaterbang “political butterflies” at “balimbing” mula sa iba’t ibang partido-pulitikal. Para kasing kalakaran na nagpupuntahan ang mga pulitiko na iba-iba ang “political color” sa partido ng nagwaging presidente ng Pilipinas. Si ex-Senate Pres. Aquilino “Nene” Pimentel ang founder ng partidong ito.

Nang dahil sa pagkalutkot ng Smartmatic sa script ng transparency server habang binibilang pa ang mga boto, sumulpot ang pagdududa na tinatangka ng Malacañang na dayain ang botohan para papanalunin si CamSur Rep. Leni Robredo bilang bise presidente dahil hate na hate ng binatang Pangulo na manalo si Sen. Bongbong Marcos, anak ng diktador.

Katwiran ng Smartmatic na inayos lang nila ang letrang “Enye” (ñ) dahil ang laging lumalabas ay question mark (?).

Well, dahil sa kalikutan nito o ng mga opisyal, iyan tuloy ang nangyari, pagdududa ng mga tao, lalo na ng mga supporter ni Bongbong: na siya ay dinadaya. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Imagine, ang anak ng mandaraya ay siya raw ngayong dinaraya!”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi lang si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) at dating professor ni presumptive president Rody Duterte, ang humihiling kay RRD (Rodrigo Roa Duterte) na kasuhan at ipakulong si PNoy. Maging sina ex-Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ex-Gabriela Rep. Lisa Maza at mga kaalyado mula sa maka-kaliwang Makabayan bloc sa Kamara ay hinihimok si RRD na kasuhan si PNoy at kasamahang top officials bunsod ng kurapsiyon kaugnay ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF) na ginamit umano sa panunuhol sa mga mambabatas para ma-impeach si ex-SC chief justice Renato Corona (RIP).

Sa statement na inisyu ni Ocampo at ng iba pa, sinabi nilang: “Duterte must hold responsible Mr. Aquino and Budget Sec. Florencio Abad for all the anomalous transactions they entered into while in office, especially the disbursements made through the DAP and PDAF”.

Nais nilang papanagutin si PNoy dahil umano sa maanomalyang paggamit ng bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.

Ang DAP at PDAF o pork barrel ay parehong idineklara ng Supreme Court na labag sa batas o unconstitutional. Ang PDAF ay may P220 bilyong pondo, samantalang ang DAP ay may P157 bilyon na ginamit o naipamigay daw ng Aquino administration sa mga kaalyado at KKK o ginamit sa mga proyekto na kuwestiyonable. Nagtatanong tuloy ang sambayanang Pilipino kung si PNoy ay matutulad din kina ex-Pres. Joseph “Erap” Estrada at ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na nakulong dahil sa mga bintang na kurapsiyon at paglabag sa Saligang-Batas sa kanyang pagbaba sa puwesto sa Hunyo 30.

(Bert de Guzman)