Maghahain ng electoral protest sa Commission on Elections (Comelec) ngayong linggo si dating Manila Mayor Alfredo Lim.

Ito ang kinumpirma ng miyembro ng staff ng dating alkalde kahit na mayroong hiwalay na online petition na inihain ang mga tagasuporta ni Lim na nananawagan ng muling pagbilang sa mga boto at para sa paghahain sa Comelec ng isang protesta kaugnay ng umano’y “irregularities” sa canvassing ng mga boto.

Sa eleksiyon nitong Mayo 9, nanalo si incumbent Mayor Joseph Estrada laban kay Lim makaraang lumamang ng 2,685 boto lang—nakakuha si Estrada ng 283,149 na boto laban sa 280,464 ni Lim.

Kahapon, nasa 819 na tagasuporta ni Lim ang lumagda sa isang petisyon sa www.change.org para muling bilangin ang mga boto sa pagkaalkalde ng Maynila.

Eleksyon

Tito Sotto, bet umukit sa kasaysayan bilang unang senador na naihalal sa ika-5 termino

Kinuwestiyon sa petisyon ang kawalan ng electronic signals sa Rizal Stadium na roon isinagawa ang canvassing ng mga boto nitong Mayo 9-10.

Pasado 7:00 ng gabi nitong Mayo 9 nagsimula ang pagpapadala ng mga resulta ng botohan at inabot ito ng madaling-araw matapos na dinala mismo sa Rizal Memorial Stadium ang mga vote counting machine (VCM) na hindi makapag-transmit ng boto kaya naging manu-mano ang pagbasa ng mga SD card sa central system.

Tanghali ng Martes nang ihayag city board of canvassers na na-transmit na ang 100 porsiyento ng mga boto at idineklarang panalo si Estrada.

“There were 764,563 total number of valid ballots. For Mayor, a total of 734,641 votes were counted and for vice mayor, 709,386 votes. Mathematically, 29,922 votes and 55,177 votes for mayor and vice mayor respectively were either stray or they simply didn’t vote foe the said categories or got lost,” saad pa sa petisyon ng mga tagasuporta ni Lim.

Nagsilbing alkalde ng Maynila si Lim noong 1992-1998 at 2007-2013. (Jenny F. Manongdo)