Walang planong lumabas ng bansa ang mga opisyal ng technology provider na Smartmatic kasunod ng nakatakdang imbestigasyon dahil sa pagpapalit ng script sa transparency server noong eleksiyon, nang hindi nagpapaalam sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Atty. Karen Jimeno, tagapagsalita at head ng voter education ng Smartmatic, handa ang kanilang mga opisyal na makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon ng poll body laban sa kanila.
Ito ang tiniyak ni Jimeno nitong Martes kasunod ng memorandum ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na humihiling sa en banc na atasan ang Smartmatic na pagbawalan ang kanilang mga opisyal at mga tauhan na lumabas ng bansa hangga’t hindi nareresolba ang isyu.
Sinabi ni Jimeno na nirerespeto nila ang memorandum ni Guanzon at iginiit na hindi na ito kinakailangan dahil wala naman silang balak na umalis ng Pilipinas.
“Smartmatic respects the memorandum of Commissioner Rowena Guanzon, but they also think it’s unnecessary kasi wala namang balak umalis ‘yung mga officials ng Smartmatic,” paniniyak ni Jimeno.
“They intend to fully cooperate with whatever investigation that Comelec calls for, or any political party calls for. They have no intention of leaving the country as well, so it’s really unnecessary to even have a hold departure order,” dagdag niya. Si Guanzon rin ang nagsulong na imbestigahan ng Comelec ang ginawang paglabag sa protocol ni Smartmatic project manager Marlon Garcia nang baguhin nito ang script ng transparency server nang hindi nagpapaalam sa poll body.
Gayunman, sinabi ni Jimeno na mahalagang alamin din muna kung may protocol ba talaga kung minor change lamang ang gagawin, tulad ng pagtatama sa typographical error.
“But even in the elections from day one, Smartmatic has really observed all the rules of Comelec, kasi very clear naman ‘yan. There’s always guidelines and there have always been rules kung ano ‘yung ifa-follow in order to implement ‘yung projects. So it’s really Comelec that runs the show, not Smartmatic,” paliwanag ni Jimeno.
(MARY ANN SANTIAGO)