Ginapi ng Mapua Cardinals, sa pangunguna ni Allwell Oraeme na kumana ng 23 puntos, ang Arellano University Chiefs, 86-81, nitong Linggo sa 22nd Fr. Martin Cup Summer Basketball Tournament, sa St. Placid gymnasium ng San Beda College-Manila Campus sa Mendiola.
Hataw din sa nakubrang 12 rebound ang 6-foot-5 forward para maibigay ang ikaapat na sunod na panalo sa Cardinals para pangunahan ang Group A senior class.
May nalalabi pang dalawang laro sa elimination, ngunit, halos sigurado na ang Mapua para sa isa sa dalawang quarter-final seat, ayon kay commissioner Robert de la Rosa.
Mula sa 76-78, nasiguro ng Cardinals ang panalo mula sa free throw nina Darren Menina at Lawrence Victoria.
Nagwagi naman ang Chiang Kai Shek Dragons, sa pangungun nina Rafael Toribio at Abines Galinato na tumipa ng 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, laban sa Letran Squires para manatiling malinis sa 4-0 sa Group A ng junior division.
Ratsada naman si Jojo Antiporda sa nakubrang 21 puntos sa panalo ng Adamson Baby Falcons kontra Ateneo de Davao Squires, 91-51, sa Group B.
Nauna rito, pinulbos ng Squires ang St. Patrick of Quezon City, 113-50.
Sa women’s division, nagwagi ang University of the East sa Adamson, 59-46. Nanguna sa Lady Falcons sina Love Joy Sto. Domingo at Bien Ramos na may tig-11 puntos.
Nakuha naman ng San Beda-A Red Cubs ang ikalawang sunod na panalo nang patahimikin ang National University Bullpups, 88-78.
Natuhog naman ng Far Eastern University Baby Tamaraws ang ikalimang panalo nang pabagsakin ang San Beda-B, 73-61.