Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) si incumbent Valenzuela City 2nd District Rep. Magtanggol Gunigundo upang magpalabas ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagproklama kay incumbent Mayor Rex Gatchalian bilang nanalong alkalde ng siyudad.
Inakusahan ni Gunigundo ang Valenzuela City Board of Canvassers (CBOC) ng grave abuse of discretion matapos nitong ideklara “prematurely” si Gatchalian bilang bagong alkalde ng lungsod kahit na kulang ang miyembro ng CBOC.
“The position of the Board as the City Superintendent of Schools who was supposed to be the third member was substituted by the Registrar of Deeds in a manner violative of the law and jurisprudence,” iginiit ni Gunigundo sa 16 na pahinang reklamo na inihain niya sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila nitong Mayo 13.
Ayon kay Gunigundo, ginawa ang substitution nang walang permiso mula sa Comelec upang paboran si Gatchalian dahil ang Registrar of Deeds ng Valenzuela City, si Dalisay Sacdalan-Martinez, ay appointee umano ng alkalde.
Kinuwestiyon din ni Gunigundo ang pagkakabilang ni Valenzuela City CCS Operator Christian Ponce bilang ikaapat na kasapi ng CBOC dahil hindi umano ito kuwalipikado.
Iginiit din ni Gunigundo na walang digital signatures ang isinumiteng election returns, kaya nalantad ito sa tampering, at hindi maaaring isailalim sa canvassing—kaya hindi rin maaaring magproklama agad ng nanalo sa eleksiyon.
Dahil sa aniya’y “falsified” na election returns, natalo siya sa lahat ng polling precinct sa Valenzuela, kabilang sa mga lugar na itinuturing niyang balwarte.
Naiproklama na ng CBOC si Gatchalian bilang halal na alkalde ng Valenzuela makaraang makakuha ng 190,856 na boto kumpara sa 65,375 ni Gunigundo. (Samuel Medenilla)