Nagkatalo sa free throw.

Hindi na kinakailangan pa ng malalim at masusing pag- aanalisa ang nangyaring kabiguan sa ikalawang sunod na pagkakataon ng Rain or Shine para makamit ang titulo ng 2016 PBA Commissioner’s Cup.

Muling naunsiyami ang inihandang ‘victory party’ ng Elasto Painters matapos magapin ng Alaska Aces, 86-78, sa Game 5 ng kanilang best-of-seven title series para sa OPPO-PBA Commissioner’s cup.

Dahil dito, isang panalo na lamang ang angat nila sa Aces na nagbabantang duplikahin ang makasaysayang pagbangon na ginawa ng San Miguel Beer noong nakaraang Philippine Cup kung saan tinalo sila ng mga ito ng apat na sunod makaraang maunahan nila ng parehong 3-0.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“The story of this ball game is the free throw, plain and simple. Huwag na nating pahirapin pa ng kung ano pang over-analysis natin dyan,” pahayag ni Guiao.”In a championship series, if they have 27 free throw and we only have 11, that means wala pa kami sa kalahati ng attempts nila.”

Tinutukoy ni Guiao ang 23 of 27 freethrows ng Alaska kumpara sa 8 of 11 ng kanyang Elasto Painters. Malayo sa nangyari noong Game Four na 27 of 41 sa Aces at 26 of 32 naman sa kanila.

Bagamat, hindi direktang sinabi, pinahagingan ni Guiao ang tinakbo ng officiating noong Game Four kung bakit naging napakalaki ng agwat ng ibinigay na foul shots sa magkabilang panig.

“Alaska has been given too many free throws.The discrepancy is just too big,” ayon kay Guaio.

“Looking at the other numbers, di naman nagkakalayo lahat, sa free throws lang. It was a close game. The score does not reflect how close the game was. Those free throws really mattered a lot,” dagdag pa nito. (Marivic Awitan)