MALIBAN kung buo na ang programa sa inagurasyon ni President-elect Rodrigo Duterte, makabuluhan at makasaysayan ang mungkahi na siya ay manumpa sa isang punong barangay. Siya ang magiging kauna-unahang halal na Pangulo na manunumpa sa naturang opisyal ng itinuturing na pinakamaliit na government unit ng Pilipinas.
Ang bagong kapangyarihang ipinagkaloob sa mga Barangay Chairman ay itinatadhana ng RA 10755, na nilagdaan kamakailan ni Presidente Aquino. Pinahihintulutan nito ang 42,000 nabanggit na opisyal ng barangay na mangasiwa sa panunumpa sa tungkulin o oath taking ng sinumang halal na pinuno, kabilang na ang Presidente ng Pilipinas.
Ang naturang mungkahi ay nakaangkla sa mga kilos na ipinamalas ni Duterte noong kasagsagan ng kampanya at sa mismong sistema ng kanyang pamamalakad bilang Alkalde ng Davao City: Istrikto subalit mapagpakumbaba at simple sa kilos at pananamit. Down to earth, wika nga. Magiging katanggap-tanggap sa kanya na manumpa sa karaniwan at higit na simpleng opisyal ng barangay.
Katunayan, mismong mga kaalyado ng bagong-halal na Pangulo ang laging nagpapahiwatig na ang inagurasyon ay gagawing simple at maaaring ito ay idaos na lang sa Malacañang—isang okasyon na higit na katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino. Ang nabanggit na bulwagan ang pinakaangkop na lugar para sa isang makatuturang inagurasyon. Ang totoo, ang ceremonial hall ng Palasyo ang laging nagiging eksena hindi lamang ng pagtanggap sa state visitors kundi ito rin ang laging nagiging opisyal na oath taking venue ng mga itinatalagang opisyal ng gobyerno—mula sa mga miyembro ng Supreme Court hanggang sa iba pang bagong-hirang na pinuno ng pamahalaan.
Kung matutuloy ang gayong plano, maiiwasan na ang maluho at magastos na inagurasyon. Hindi maliit na halaga, halimbawa, ang ginastos sa nakaraang inagurasyon na idinaos sa Quirino Grandstand, Barasoain sa Bulacan at sa iba pang lugar na malayo sa Malacañang. Ang pondong matitipid sa gayong selebrasyon ay maiuukol na lamang sa ibang mahalagang proyekto.
Si Duterte, kung sabagay, ay may karapatang pumili ng magpapasumpa sa kanya sa tungkulin na nakagawian nang pinangungunahan ng Chief Justice ng Korte Suprema. Subalit ang kanyang naiibang panunumpa sa Barangay Chairman, kung sakali, ay isang simbolo ng kanyang pagiging simple at mapagpakumbaba; isa itong pagkilala sa kapangyarihan ng pinakamaliit na opisyal ng gobyerno—ng 42,000 pinuno ng mga barangay. (Celo Lagmay)