Bilang bagong pangulo ng bansa, mistulang may plano si presumptive President Rodrigo Duterte na ipatupad sa buong bansa ang matatagumpay na ordinansa ng Davao City.

Bago pa sinimulan ang paghahanda ng transition team ni Duterte, una nang sinabi ng kanyang kampo na plano ng alkalde na magpatupad ng nationwide curfew at liquor ban kapag nakaupo na ito sa Palasyo.

Matapos umani ng batikos sa social media, agad na nilinaw ng tagapagsalita ni Duterte na si Peter Laviña na ang nationwide curfew ay para lamang sa kabataan.

Ipagbabawal sa curfew ang paglabas sa bahay ng mga menor de edad pagsapit ng 10:00 ng gabi kung walang kasamang magulang o nakatatanda.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dagdag pa ni Laviña, kapag naipatupad ang liquor ban ay bawal nang magtinda ng alak ang mga tindahan at establisimyento pagpatak ng 1:00 ng umaga, at ito ay ipatutupad lamang sa mga pampublikong lugar.

Iginiit din ni Laviña na hindi intensiyon ng susunod na administrasyon na tanggalan ng karapatan ang mamamayan, kundi upang protektahan ang mamamayan at maiwasan ang pagmamaneho nang lasing.

Ilan din sa umiiral na ordinansa sa Davao na posible o maaaring ipatupad sa buong bansa ay ang pagbabawal sa pagbebenta ng rugby, vandalism, at paninigarilyo sa pampublikong lugar.

Sa Davao City, bawat magbenta ng solvent o rugby sa edad 18 pababa, upang mabawasan o maiwasan ang pagkalulong ng kabataan sa solvent, at maiiwas sa mga krimen na nag-uugat dito.

Sa Anti-Smoking ordinance ng siyudad, bawat manigarilyo sa mga pampasaherong sasakyan, gayundin sa mga restaurant at iba pang kainan, hotel at iba pang tuluyan, disco house, videoke bar, at sinehan upang maiwasan ang secondhand smoke.

Kilala ang lungsod ng Davao bilang isa sa “Safest Cities in the World”, at ang mahigit 20 taon ng epektibong pamumuno ni Duterte ang itinuturong dahilan nito. (Pamela Ann C. Bangayan)