Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na tuloy na tuloy na ang pagpoproklama nila sa nanalong 12 senador at mga party-list group.

Gayunman, wala pang tinukoy na eksaktong araw si Bautista kung kailan gagawin ang proklamasyon.

Sa isang pulong balitaan kahapon sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, sinabi ni Bautista na patapos na ang Comelec sa canvassing ng mga Certificate of Canvass (CoC).

Ang hinihintay na lamang nila, aniya, ay ang mga CoC mula sa Lanao del Sur, Northern Samar at Antique, gayundin ang resulta ng detainee voting.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasalukuyan pa aniyang nagbobotohan sa Lanao del Sur, habang katatapos lang magbotohan sa Northern Samar nitong Sabado at kahapon naman idinaos ang special elections sa Antique.

Noong nakaraang linggo, 149 na CoC ang natapos i-canvass ng Comelec, na tumatayong miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC), at kahapon ay nag-canvass naman sila ng siyam na CoC.

Una nang sinabi ng Comelec na target nilang makapagproklama ng mga nanalong senador ngayong Martes, Mayo 17, hanggang sa Huwebes, Mayo 19.

Kaugnay nito, iginiit ni Bautista na walang nangyaring dayaan sa halalan, kasunod ng napaulat na umano’y discrepancy sa mga resulta ng boto sa ilang lalawigan.

Ayon kay Bautista, posibleng ang mga discrepancy ay bunsod ng pagkakamali sa computation, correction, audit at posibleng may mga nadoble rin ng transmission.

Sa panig naman ni Comelec Spokesman James Jimenez, sinabi niyang inatasan na nila ang Board of Election Inspectors sa mga naturang lalawigan na gumawa ng oral manifestation kung bakit nagkaroon ng discrepancy sa mga boto sa kanilang lugar. (MARY ANN SANTIAGO)