RIO DE JANEIRO (AP) — Ipinagdiwang ng local fans ang tagumpay ng pamosong Brazilian mixed martial arts fighter na si Cris “Cyborg” Justino laban sa karibal na American.

Nangailangan lamang ang walang talong si Justino ng isang minuto at 20 segundo para paluhurin si Leslie Smith ng United States sa UFC 198 Sabado ng gabi dito.

Bago ito, lungkot ang bumalot sa sold-out crowd 45,000-seating capacity na Arena de Baixada nang matalo ni American Stipe Miocic ang pambato ng Brazil na si Fabricio Werdum sa UFC heavyweight championship.

Tangan ni Justino ang 16-fight winning streak mula nang magsimulang lumaban sa MMA noong 2005, kabilang ang 10 sunod na TKO para makopo ang titulo sa Strikeforce at Invicta promotions – dalawang karibal ng UFC.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Matagal nang isinusulong ng MMA fans ang duwelo sa pagitan nina Justino at dating UFC bantamweight champion Ronda Rousey, ngunit, hindi makapag-adjust sa kanyang timbang ang Brazilian star.

Higit na nadiskaril ang plano nang matalo si Rousey via submission kay Holly Holm.

Isang taong nasuspinde si Justino noong 2012 matapos magpositibo sa steroids.

Napahanga si UFC champion Miesha Tate, kabilang sa crowd sa ring side, sa ipinamalas ni Justino.

‘’What a powerful woman! Congrats on making 139lbs! Four more and we can have a title fight!,” pahayag ni Tate sa kanyang Twitter.

Sa iba pang laban, tinalo ni welterweight Bryan Barbarena ng United States si crowd favorite Warlley Alves via unanimous decision, habang naungusan ni Brazilian light heavyweight Mauricio Rua si American Corey Anderson.