TAGAYTAY, Cavite – Kulungan ang kinahinatnan ng isang lalaking walang trabaho matapos niyang kotongan ang isang pari sa Our Mother of Perpetual Help Parish Church sa Barangay Sungay West, sa siyudad na ito.

Kinilala ni Supt. Ferdinand Ricafrente Quirante, hepe ng Tagaytay City Police, ang suspek na si Rommel Galang Mañago, 23, residente ng Barangay Halang, Hagonoy, Bulacan.

Pinosasan ng mga tauhan ng Tagaytay City Police si Mañago matapos tanggapin ang P5,890 mula sa ikinasang entrapment operation malapit sa simbahan nitong Linggo ng tanghali.

Ikinasa ang entrapment operation base sa reklamo ni Fr. Jefferson Enriquez Agustin, 40, na nagsabing humingi si Mañago ng P75,000 sa kanya at binantaan pa ang pari kung hindi maibibigay ang naturang halaga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa imbestigasyon, sinabi ni PO1 Jayson C. Olivar na tinakot ng suspek si Agustin na guguluhin ang buhay nito kung hindi magbibigay ng P75,000.

Inamin ni Agustin na nakilala niya si Mañago sa Facebook at simula noon ay binibigyan na niya ito ng tulong pinansiyal.

Kinasuhan kahapon ng robbery-extortion si Mañago sa Tagaytay City Prosecutors’ Office. (Anthony Giron)