Simpleng mathematics ang magpapatunay na imposibleng talunin ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa pagka-bise presidente.
Ito ang iginiit ng kampo ni Robredo, kandidato ng Liberal Party, matapos na umabot sa 99.51 porsiyento ang nabilang na boto simula nang idaos ang halalan nitong Mayo 9.
Sinabi ni Boyet Dy, pinuno ng Policy Unit ng Robredo Campaign Team, na aabot na lang sa 169,000 boto mula sa siyam na bayan sa bansa ang hindi pa nabibilang.
“Kahit pa makuha ni Marcos ang 168,988 boto mula sa siyam na natitirang munisipalidad, hindi pa rin ito sapat upang talunin niya si Robredo,” giit ni Dy.
Kabilang sa mga lugar na hindi pa nabibilang ang certificate of canvass (CoC) ang Rizal, Laguna; Allen, Catarman, at Lope de Vega sa Northern Samar; Binidayan, Lanao del Norte; Masiu at Tamparan, Lanao del Sur; Indanan, Sulu; at Bacungan, Zamboanga del Norte.
Ayon sa huling unofficial count, kabilang ang overseas at local absentee voting, lamang si Robredo kay Marcos ng 257,567 boto.
“Sa kasalukuyang tala ng Comelec na makukuha mula sa kanilang website as of 2:00 pm (Sunday), pumasok na ang 99.51% ng mga bilang mula sa lahat ng siyudad at munisipyo sa bansa. Siyam na munisipiyo na lang ang wala pang naitatalang CoC,” ayon kay Dy.
“Dahil po rito, buong-buo ang ating loob at galak sa matagal nang pinakahihintay na balita: sa ngayon, wala nang makakapigil kay Leni Robredo. Siya ang ating susunod na pangalawang pangulo ng bansa,” dagdag ni Dy. (Aaron Recuenco)