Matapos ideklara ni presumptive president Rodrigo Duterte na bilang na ang mga araw ng mga pulis na sangkot sa ilegal na droga, inamin sa unang pagkakataon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez na mayroon nga sa kanilang hanay ang pasok sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot.

Sinabi ni Marquez na ang naturang impormasyon ay ipinarating sa kanyang tanggapan ng PNP counter intelligence unit na inatasang tukuyin ang masasamang elemento sa serbisyo.

“There are superintendents. That’s what our intelligence community has been working on in their counter-intelligence efforts,” tugon ni Marquez sa katanungan ng media kung ano ang pinakamataas na ranggo ng pulis na sangkot sa illegal drugs.

Ang ranggong superintendent ay katumbas ng lieutenant colonel sa militar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad namang dumepensa si Marquez na iilan lamang sa kanilang hanay ang sangkot sa ilegal na droga.

“Based on the report, they are all active members. And we are focusing on active officers because it becomes our duty to make sure that no active officers are inlved in illegal drugs,” ayon kay Marquez.

Bukod sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga sindikato ng droga, ilang opisyal din ng PNP ang unang naiugnay sa pagre-recycle ng mga nakumpiskang droga para muling ibenta sa merkado.

Sa kainitan ng pangangampanya, matatandaan na pangunahing pakay ni Duterte sa kanyang pag-upo sa Malacañang ay ang linisin ang hanay ng PNP ng mga bugok na pulis, lalo na ang sangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen.

(AARON RECUENCO)