LOS ANGELES (AP) – Ilan lamang ang Cream at Get Off sa mga awiting tinugtog ni Prince gamit ang kanyang matingkad na dilaw na gitara na naka-auction ngayon sa Beverly Hills.
Ibebenta ng Heritage Auctions simula sa Hunyo 24 ang “yellow cloud” electric guitar ng yumaong music icon mula sa opening bid na $30,000. Isa lang ang gitarang ito sa mga custom guitar na ginamit ni Prince noong 1980s at 1990s.
“I’ve been a Prince fan since I was a little kid, and that guitar always stuck out to me because it was super cool and stylish,” sabi ni Richard Lecce, kasalukuyang nagmamay-ari ng nasabing gitara na nabili niya sa isa ring auction sa halagang $30,000, mahigit isang taon na ang nakararaan.
Ang nasabing instrumento ay may serial number at letter of authenticity mula sa guitar technician ni Prince na si Zeke Clark. Nakasaad sa nasabing sulat ng huli na ang gitara ay bahagyang nasira ngunit naayos din naman noong 1994.
“Unfortunately, as morbid as it is, when people pass, their items become more valuable,” sabi ni Richard. “I think something as valuable as this could be too risky to continue to have in my possession.”
Inamin din ni Richard na bukod sa pagkuha ng litrato kasama ang gitara ay hindi niya na pinakialaman ang orihinal na kondisyon nito, lalo dahil hindi siya marunong gumamit ng kahit anong music instruments.
Kilala si Prince sa paggamit ng mga gitarang may kakaibang hugis at iba’t ibang kulay na naging bahagi na ng pagkakakilanlan sa kanya sa industriya.
Samantala, naka-auction din sa Beverly Hills ang record-sales awards ni Prince at ang original demo tape ng mga awitin niyang Just as Long as We’re Together, My Love Is Forever at Jelly Jam.
Abril 21 ngayong taon nang natagpuang patay si Prince, 57, sa loob ng kaniyang Paisley Park recording complex sa Chanhassen, Minnesota.