Posibleng tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa Commission on Elections (Comelec) ang “Election Day Heroes” o silang nasugatan o nasawi habang tumutupad sa tungkulin sa halalan nitong Mayo 9.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na may nakabimbin nang kahilingan sa en banc “[to] provide financial and other forms of assistance to all the individuals that were killed and wounded in relation to the May 9 elections.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Jimenez na tumanggap ng ulat ang kanyang tanggapan na ilang sundalo ang napatay at nasugatan habang nagde-deliver ng mga vote counting machine (VCM) at iba pang election paraphernalia.
Tinukoy ni Jimenez ang kaso ni Private First Class Louiden Quebec, na napatay makaraang tambangan ng mga hinihinalang rebelde sa Gamay, Northern Samar, habang nagde-deliver ng mga VCM nitong Mayo 7.
Nasugatan naman sa insidente si Private Michael Cagata.
Sinabi ni Jimenez na mayroon ding mga ulat na ilang volunteer at miyembro ng Board of Election Inspectors (BEIs) ang iginupo ng matinding pagod, stress, at atake sa puso noong Lunes.
Mayo 10 nang pumanaw ang poll clerk na si Caren Joy Mediodia Mirana, 21, dahil sa matinding pagod hanggang inatake sa puso habang nasa polling precinct sa Barangay 114 sa Pasay City.
Atake sa puso rin ang ikinamatay ni Manuel Salgado, utility clerk sa Office of the City Election Officer (OCEO) sa Pasay City, nitong Abril 22 sa kasagsagan ng paghahanda para sa eleksiyon.
“The Filipino people owes a huge debt of gratitude to these men and women, who paid the ultimate sacrifice just to ensure that the May 9, 2016 National Elections are conducted in the most efficient, credible, and transparent manner,” sabi ni Jimenez. (Leslie Ann G. Aquino)