Ilang taon matapos ipursige ang kasong plunder laban kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, si winning senatorial candidate Leila de Lima na ngayon ang pinagpapaliwanag hinggil sa P91.8-milyon confidential fund na ginastos ng Department of Justice (DoJ) noong siya pa ang kalihim nito noong 2015.

Sa 2015 annual audit report ng DoJ, pinuna rin ng Commission on Audit (CoA) ang DoJ sa kabiguan nitong i-liquidate ang P123.8-milyon confidential fund.

Inilabas ng CoA ang audit report ilang araw matapos ang eleksiyon nitong Mayo 9.

Matatandaan na nagbitiw si De Lima sa Gabinete ni Pangulong Aquino upang kumandidato sa pagkasenador.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Base sa huling unofficial count ng Commission on Elections (Comelec), nasa ika-12 posisyon si De Lima sa hanay ng mga nananalong kandidato sa pagkasenador.

Sa kasalukuyan, nasa 1,200 boto ang lamang ni De Lima kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, na nasa ika-13 puwesto sa senatorial race.

Matatandaan na kritikal ang naging papel ni De Lima sa paghahain ng plunder case laban kay Arroyo kaugnay ng umano’y paglulustay sa P329-milyon halaga ng confidential fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong termino ni GMA bilang pangulo ng bansa.

Si De Lima rin ang nanguna sa pagpigil sa pag-alis ni Arroyo sa bansa noong 2011, ilang araw bago arestuhin ang dating Punong Ehekutibo. (Ben Rosario)