LUNES, Abril 25, nang palayain ng New People’s Army (NPA) ang limang pulis-Davao, na tinawag nilang “prisoners of war”, kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Nakipag-usap ang alkalde sa kumander ng Pulang Bagani Battalion ng NPA na nagsuko ng mga pulis sa kanya.
Makaraang mahalal si Duterte sa elekksiyon nitong Lunes, Mayo 9, binati siya ni Jose Ma. Sison, ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines, na matagal nang nasa exile sa Netherlands. Dating estudyante ni Sison, nakipag-usap si Duterte sa pinuno ng CCP sa pamamagitan ng Skype sa kanyang laptop. Sa mga komentong ipinaskil niya sa Facebook, nanawagan si Sison ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, isang tigil-putukan, at pagpapalaya sa mga political prisoner.
Ayon sa tagapagsalita ni Duterte, handa ang bagong presidente na palayain ang mga may sakit at matatandang rebelde bilang kawanggawa, gayundin ang mga itinalaga ng CCP bilang mga negosyador nito, batay sa pagtukoy ng militar, pulisya, at taga-usig ng gobyerno.
Ang insurhensiyang komunista sa Pilipinas ay isa sa pinakamatatanda sa mundo. Ang NPA ay itinatag ni Bernabe Buscayno, alyas Kumander Dante, noong Marso 29, 1969, bilang armadong sangay ng CPP, na itinatag nang sinusundang taon. Ang NPA ay tinukoy ng United States State Department at ng European Union Common Foreign and Security Policy bilang isang organisasyong terorista.
Noong 2008, nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Amnesty Procamation 1377 para sa mga kasapi ng CPP, ng armadong sangay nito na NPA, at ng umbrella organization nito na National Democratic Front (NDF). Nilikha ang mga implementing rules and regulations at ang proklamasyon ay isinumite sa Kongreso para pagtibayin. Gayunman, hindi naisakatuparan ang isang kasunduan sa mga usapang pangkapayapaan noong 2010, dinakip ng militar ang 43 kataong dumalo sa isang pulong sa komunidad sa Morong, Rizal, 38 sa mga ito ay pinalaya kalaunan ni Pangulong Aquino. Noong 2011, sinalakay ng NPA ang tatlong kumpanya ng minahan sa Surigao del Norte, dahil umano sa pagtanggi ng mga ito na magbayad ng “revolutionary taxes.” Noong 2014, inaresto si CCP Chairman Benito Tiamzon at ang maybahay niyang si Wilma.
Nitong Marso 29—gaya ng mga naunang paggunita sa anibersaryo ng pagkakatatag sa NPA—isinailalim sa full alert status ang pulisya at militar, dahil kilala ang NPA sa pagsasagawa ng mga pag-atake sa mahahalagang pasilidad ng gobyerno kapag nagdiriwang ng anibersaryo nito.
Ang matagal nang pakikipagkaibigan ni President-elect Duterte kay Sison at sa iba pang opisyal ng partido, gayundin sa mga miyembro ng NPA na kumikilos malapit sa Davao City, ay nagbunsod sa mga pag-asam na maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang negosasyon na nabigo ilang taon na ang nakalipas. Napaulat na nagbabala si Sen. Antonio Trillanes, isang kritiko ni Duterte, na ilang sektor sa militar ang tutol sa hakbanging ito, ngunit sinabi ng tagapagsalita ni Duterte na ito “remains to be seen.”
Dapat nating malugod na tanggapin ang anumang pagsisikap na maisulong ang kapayapaan at seguridad sa ating bansa, ngunit dapat na isaalang-alang, higit sa ano pa man, ang pambansang interes. Isama na ang pagtatangka ng gobyernong Aquino noong nakaraang taon na magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), asahan na nating ipagpapatuloy ng administrasyong Duterte ang mga pagsisikap na ito hindi lamang sa mga grupong Moro, kundi maging sa NPA, at sa iba pang pangunahing insurhensiya sa bansa ngayon.