SYDNEY (AP) — Maniguro, kasya magsisi.

Ito ang mensahe ng Australian Olympic Committee (AOC) sa kanilang desisyon na pagkalooban ng condom ang lahat ng atleta ng Team Australia na sasabak sa Rio Olympics para masiguro ang kanilang kaligtasan sa mapamuksang Zika virus.

Ayon sa manufacturer na inatasan ng AOC, ang naturang condom ay may antiviral na lalaban sa Zika virus na kasalukuyang laganap sa Brazil at karatig na bansa.

Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-21.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Iginiit ni Team Australia chef de mission Kitty Chiller na ang pamamahagi ng condom sa mga atleta ay isang “common sense approach to a very serious problem we are facing in Rio.”

Talamak ang mosquito-borne Zika virus sa Central at Latin America,dahilan para magdeklara ang World Health Organization ng ‘global health emergency’.

Ang Zika virus ay nagdudulot ng sakit, ngunit, ayon sa pag-aaral ito ang dahilan sa depekto ng mga sanggol na iniluwal ng mga inang nagkasakit dahil sa Zika virus.

Nagsasagawa rin ng iba’t ibang paghahanda ang mga bansang kalahok sa Olympics, kabilang ang United States na may pinakamalaking delegasyon sa quadrennial Games.

Nagbuo ang US Olympic Committee ng Centers for Disease Control na pinamumunuan ni Capt. Martin S. Cetron na nagsasagawa ng pagaaral at pananaliksik para matugunan ang pangangailangan ng mga atleta para labanan ang Zika virus.