Pumalag ang Commission on Human Rights (CHR) sa plano ni presumptive president Rodrigo Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
“Aantabayanan natin ang deliberasyon sa Kongreso at kami sa CHR ay magsa-submit ng posisyon doon. Ang kasalukuyang posisyon ng CHR ay iyong death penalty is contrary to human dignity and human rights,” pagdidiin ni CHR Chairman Luis Martin "Chito" Gascon.
Aniya, tutol sila sa death penalty dahil na rin sa mahinang justice system ng Pilipinas.
“Sa isang weak justice system na maraming loophole, madalas ang resulta ay may mga napapatawan ng capital punishment na maaaring later on ay mapatunayan na hindi pala nagkasala,” ani Gascon.
Nauna nang inihayag ni Duterte na nais niyang ipatupad ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti.
Sinabi na noon pa ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na hindi sila pumapabor sa mungkahi ni Duterte.
Sa halip na buhayin ang capital punishment, iginiit ng CBCP na ayusin na lamang ng gobyerno ang sistema ng hustisya sa bansa upang hindi lamang ang nakaaangat sa buhay ang nakikinabang dito. (Rommel P. Tabbad)