Coco-Martin_please crop copy copy

POSITIBO, paboritong panoorin sa mga kampo militar at police headquarters ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.

“Ang ganda ng kuwento ng Probinsyano, lahat ng pangunahing problema sa lipunan tina-tackle, dati mga nawawalang bata, ngayon naman droga, saktong-sakto sa nangyayari ngayon,” kuwento ng military man na nakatsikahan namin pero ayaw magpabanggit ng pangalan.

“Inaabangan talaga namin ang Probinsyano ni Coco (Martin) kasi true-to-life ‘yung kuwento ngayon tungkol sa droga, mahirap talagang hulihin ang pinakapuno at mahirap itong mapuksa, sa totoo lang.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Mahirap magsalita at mahirap magkuwento ng tungkol sa droga, maraming sasabit. Kaya nga karamihan sa mga kasama ko pabor kay (President-elect Rodrigo) Duterte at sana nga mawalis na niya lahat ng druglords isama na ‘yung mga kasabwat, lalo na d’yan sa Bilibid. Malaking sindikato ang droga talaga,” patuloy ng aming kausap.

Inamin niya na kapag nasa bahay ang mga katulad niyang miyembro ng militar ay hindi na sila masyadong nakakapanood ng TV, maliban sa news, dahil mas inilalaan nila sa pamilya ang panahon kapag umuuwi dahil kinabukasan ay maaga na naman silang papasok at gabi na kung uuwi o ilang araw bago sila makauwi lalo na kung may operations.

“Kapag duty o nasa opisina kami nakakapanood ng Probinsyano kasi iyon ang libangan ng mga tao ro’n o kaya basketball,” sabi pa sa amin.

Nalaman namin na ganito rin ang eksena sa police headquarters.

Nabanggit din niya na umaasa ang mga kasamahan niya na tutuparin ni Duterte ang pangako nitong pagtaas ng suweldo ng mga pulis at sundalo para raw matigil na ang corruption.

“Sa sobrang liit ng suweldo nakakagawa talaga ng hindi maganda,” pag-amin niya.

Natawa siya nang humirit kami na baka naman kapag malaki na ang kinikita ay dala-dalawa na ang pamilya. Sa ibang araw na raw naming iyon pag-usapan dahil may valid reason naman daw ang ibang kasamahan niya kung bakit nakakapambabae.

Naku, para sa amin, walang valid reason ang pambabae, ‘no!

Samantala, puring-puri rin ng kausap naming military man si Coco dahil parang tunay na pulis daw kung umasta, talagang pinag-aralan ng aktor ang papel niya at hanga rin siya kina Jake Cuenca at Arjo Atayde sa confrontation scenes.

“Ang aangas nila, nakakalalaki ang mga tinginan, walang ganyan, sapakan na kaagad, ha-ha-ha!” sabi pa.

E, manong naman, siyempre palabas lang iyon, aktingan lang. Pero marami talaga ang nagagalingan sa pag-arte nina Jake (Jonas) at Arjo (Joaquin) na parehong Juan Carlos ang pangalan sa tunay na buhay at pareho pang Inglisero.

Tinitimbang naman ng production ang aksiyon-serye kaya kung masyadong intense ang mga eksena nina Jonas, Joaquin at Cardo (Coco), pampa-good vibes naman sina John Prats at Mark Solis lalo na ngayong nanliligaw kay Maja Salvador na kababata naman ng pulis probinsiya.

Sinusubaybayan ngayon ang kuwento ng muli na namang pagkakatakas ni Lolo Emilio (Eddie Garcia) sa engkuwentro nina Jonas at Cardo hanggang sa napatay ng huli ang kanang kamay ng tinatawag na lolo ng droga. (Reggee Bonoan)