NEW YORK (AFP) – Sumumpang guilty nitong Lunes ang anak ng dating pangulo ng Honduras sa pagpasok ng cocaine sa United States, isang taon matapos siyang maaresto.
Si Fabio Lobo, anak ni Porfirio Lobo, ay inaresto noong Mayo 20, 2015 sa Haiti ng mga local agent at ng US Drug Enforcement Administration (DEA), at inilipad sa New York para harapin ang kasong kriminal.
Umamin ang 44-anyos na nakipagsabwatan siya para mag-import at mamamahagi ng limang kilo ng cocaine, na may parusang 10 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong.
Hahatulan si Lobo sa Setyembre 15, ayon sa New York prosecutors. Ang kanyang ama ay namuno sa Honduras mula 2010 hanggang 2014, at sa panahon nito ay nangakong lalabanan ang organized crime.